MAYNILA – SA layunin na maging maayos ang implementasyon ng involuntary separation benefit ng Social Security System, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng patakaran sa pagbibigay ng sertipikasyon sa mga involuntary laid-off employee na nagnanais makatanggap ng unemployment insurance.
Nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III noong nakaraang linggo ang Department Circular No. 01, series of 2019, na naglalatag ng patakaran sa pagbibigay ng DOLE certification na isa sa mga kinakailangang dokumento ng lehitimong miyembro ng Social Security System (SSS), kabilang ang mga kasambahay at overseas Filipino worker, na natanggal sa trabaho nang hindi nila kagustuhan.
Makukuha ang certification mula sa DOLE field o provincial office kung saan nakatira ang aplikante o sa lugar na kaniyang pinagtatrabahuhan.
Para sa mga OFW, maaari nilang isumite ang kanilang aplikasyon sa Philippine Overseas Labor Office sa lugar kung nasaan ang kanilang employer o sa lugar na kanilang tinitirhan na malapit sa DOLE field o provincial office.
Dapat dalhin ng aplikante ang isang balidong identification card; kopya ng notice of termination na inisyu ng employer o duly notarized affidavit of termination of employment kung wala ito.
Para maging kuwalipikado sa unemployment benefit, ang manggagawa, kabilang ang mga kasambahay at OFW, ay hindi dapat lalampas sa 60 taong gulang ang edad sa panahon nang sila ay matanggal sa trabaho; nakapagbayad nang hindi bababa ng 36 buwanang kontribusyon at 12 sa mga ito ay nasa 18-buwan panahon makalipas ang buwan nang matanggal sa trabaho; at hindi nakatanggap ng unemployment benefit sa loob ng huling tatlong taon bago ang petsa ng pagkakatanggal sa trabaho.
Ang manggagawa ay dapat na natanggal sa trabaho dahil sa “awtorisadong dahilan,” tulad ng paglalagay ng labor-saving device; redundancy, retrenchment o downsizing, pagsasara o pagtigil ng operasyon; o pagkakasakit ng empleyado at ang kanyang patuloy na pagtatrabaho ay pinagbabawal ng batas o makakasama sa kalusugan ng kanyang kapwa-manggagawa.
Maaari ring mag-aplay ang mga nawalan ng trabaho dahil sa “makatarungang dahilan” batay sa nakasaad sa Article 300 (285) ng P.D. No. 442 o ang Labor Code of the Philippines; o dahil sa paghina ng ekonomiya, kalamidad/sakuna, at iba pang katulad na kaso batay sa pagkakapasya ng DOLE at SSS. PAUL ROLDAN
Comments are closed.