CAMP AGUINALDO– MAGSISILBING leksiyon sa mga gagawa ng karahasan sa mga mamamahayag ang hatol na guilty sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao Massacre.
Ito ang inihayag ng Defense Press Corps (DPC) na inilabas ni DPC President Verlin Ruiz.
Ginawa ng DPC ang pahayag kasunod ng hatol na “guilty” kina Datu Andal Unsay Ampatuan, Jr, Zaldy Ampatuan, Anwar Ampatuan, Sr. at ilan pang mga responsable sa Maguindanao Massacre noong Nobyembre 23, 2009.
Nakasaad sa statement na ang pagkamatay ng 58 katao kabilang ang 32 mamamahayag ang pinakamatinding pag-atake sa mga miyembro ng media sa buong kasaysayan kahit na 10 taon na ang nakakaraan.
Mabagal anila ang hustisya subalit sa pamamagitan ng desisyon ay nabigyan na ng katarungan ang mga pamilya at mga mahal sa buhay ng mga biktima ng Maguindanao Massacre.
Siniguro rin ng DPC na nananatiling mapagbantay ang samahan laban sa lahat ng uri ng karahasan, panggigipit, at pananakot, sa mga miyembro ng media. REA SARMIENTO