GUION FLAG-BEARER NG PH SA 11TH ASEAN PARA GAMES

SI LONDON Paralympian at bemedaled powerlifter Achelle ‘Jinky’ Guion ang magiging standard-bearer ng bansa sa opening rites ng 11th ASEAN Para Games sa July 30 sa Surakarta, Indonesia.

“We are pleased to announce that Jinky has accepted our invitation to be our flag bearer at the head of the Philippine delegation during the opening of the 11th ASEAN Para Games,” wika ni Philippine Paralympic Committee president Mike Barredo.

“Guion’s selection is in recognition for her past athletic accomplishments in giving honor to the country,” sabi pa ni Barredo patungkol sa para powerlifter na kinatawan ang bansa sa 2012 London Paralympic Games.

Ang petite powerlifter ay nagwagi rin ng silver medal sa kaparehong weight class sa 2014 Incheon at 2018 Jakarta Asian Para Games.

Pangungunahan ni Guion ang 212-man Philippine delegation, kabilang ang 144 athletes, sa opening day parade ng 11-nation meet sa Manahan Stadium na inaasahang dadaluhan ni Indonesian President Joko Widodo, na ipinanganak sa Java provincial capital.

“We laud the selection of Guion as the national team flag-bearer to the 11th ASEAN Para Games. She embodies the best and brightest of what our national athletes are capable of,” sabi ni Philippine Sports Commission executive director at officer-in-charge Atty. Guillermo Iroy Jr.

Sa PSC funding kapwa sa month-long training bubble ng national para-athletes sa Philsports Complex at sa kanilang paglahok sa 11th APG, tiwala si Iroy na kakasa ang PH campaigners sa kanilang unang major international competition sa loob ng dalawang taon.

Umaasa silang mahihigitan ang 20 gold, 20 silver, at 29 bronze medals na nakolekta ng bansa sa pagtatapos sa fifth overall sa 11 participating countries sa huling edisyon ng sportsfest na idinaos noong 2017 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ang Philippine squad ay nakatakdang umalis sa isang chartered flight sa Surakarta sa July 26, apat na araw bago ang pormal na pagbubukas ng sportsfest na tatampukan ng 24 events.