DAHIL sa sobrang supply, bagsak-presyo ang ilang klase ng mga gulay galing sa Baguio. Umabot na sa P2 kada kilo ang benta sa sayote ng ilang magsasaka roon.
Ayon sa ulat, halos ipamigay na ng mga magsasaka ang kanilang mga inaaning gulay. Aniya, P2 na lang kada kilo ang benta nila sa sayote mula sa dating P20-P25 kada kilo.
Mula naman P80-P100 na kada kilo ng lettuce, pinepresyuhan sila ngayon ng buyers ng P15 kada kilo.
Sa sobrang baba ng presyo, hindi na sila makapag-biyahe ng mga gulay. Wala na silang budget para sa trucking. Kung sakali kasi, mapupunta lang sa pambayad ng gasolina ang makukuha nilang kita sa buyers.
Dahil dito, tone-toneladang mga gulay na hindi nabibili at ipinamimigay na lang sa mga kapitbahay o kaya ginagawang pataba sa lupa.
Sa bagsakan ng gulay sa Balintawak Market sa Quezon City, daan-daang kilo ng mga sayote, carrots, at repolyo ang naroon. Malaki ang ibinaba ng mga wholesale price nito kumpara dati.
Narito ang wholesale/bagsakan prices sa Balintawak market:
Sayote– ngayon: P9 kada kilo; dati: P48 kada kilo; carrots– ngayon: P50 kada kilo, dati: P80-P90 kada kilo; repolyo–ngayon: P200 kada kilo, dati: P300 kada kilo; patatas– ngayon: P52 kada kilo, dati: P80 kada kilo.
Dahil sa rami ng supply at sabay-sabay na pag-ani kaya sobrang baba na ngayon ang presyo ng mga itinitindang gulay sa Baguio at pinauubos na lang nila ang mga paninda para hindi masira.
Sa mismong mga pamilihan naman kagaya sa Kamuning Market sa Quezon City, kahit may patong na ay mababa pa rin ang presyo ng mga gulay na ito.
Presyo ng gulay sa Kamuning Market kada kilo: Sayote–P25 ngayon mula sa dating P40 kada kilo; repolyo–P70 ngayon, P100 dati; patatas– P100 ngayon, P120 dati; carrots–P70 ngayon, P80 dati; lettuce– P100 ngayon, P150 dati.
Ayon naman sa ilang nagtitinda sa mga palengke, kahit bagsak-presyo ang ilang klase ng mga gulay ay wala namang ipinagbago sa kanilang benta at kinikita.
Comments are closed.