GULAY NI ANGELU DE LEON, MULA SA PUSO

Hindi early campaigning ang pamamahagi ng mga gulay ng aktres at Pasig City councilor na si Angelu de Leon kundi Birthday Pasasalamat Community Pantry na ginagawa niya taon-taon.

Sa Agosto 22, 2024 pa ang kaarawan ni Angelu pero nagdaos na siya ng Birthday Pasasalamat sa kanyang mga kababayan sa Pasig City noong Agosto 10 sa pamamagitan ng community pantry na binahiran ng intriga at malisya ng mga bashers.

Ayon sa mga bashers,   mamumulitika na rin lang,  lilimang pirasong sitaw naman ang ipinamahagi sa mahigit 300 residente ng Pasig City, na pumila at nilambing niyang suportahan ang Pulang Araw ng GMA-7 kung saan isa siya sa cast.

Buwelta ng actress-politician, pasasalamat niya ito at galing iyon sa sarili niyang bulsa. Buti na lang daw at hindi taga-Pasig ang basher dahil hindi pala sapat sa kanya ang regalo ng aktres.

Paglilinaw ni Angelu, bukod sa sitaw na nakita sa video ay may putol na upo rin dahil hindi niya afford magbigay ng buo. “Pinuputol namin para meron ang lahat,” aniya. “Hindi talaga aabot ang 64 pesos sa isang masustansiyang meal per day.”

Kinampihan at ipinagtanggol naman si Angelu ng kanyang kapwa Pasig City councilor na si Kiko Rustia. May sarili din umano siyang pantry sa district niya at namimigay na sila ng pagkain noon pa man.

Dagdag pa niya, kung sa palagay ng basher at “cheap” ang gulay na ipinamigay ni Angelu, pwede naman siyang mag-donate.

“Napakabuting tao ni Ms. Anj,” ani Rustia.

Ipinagtanggol din si Angelu ng mga kababayan niya sa Pasig City. Well-organized umano ang community pantry ng aktres at bukod sa gulay, tumanggap din daw sila ng bigas, prutas, at groceries.

RLVN