TUMATAGAL, lumalala, at marami ang nadadamay at nangangamba sa tuloy-tuloy na protesta sa Hong Kong.
Tinaguriang pinakamalaking kilos-protesta ng mga residente na umabot na sa higit na 2 milyon ang sumali rito, gayong higit lamang sa 7 milyon ang populasyon ng maliit na bansa.
Umalma ang mga taga-Hong Kong, lalo na ang mga kabataan, estudyante, at maging ang millennials sa extradition bill sa China na para sa kanila ay magiging kasangkapan sa pag-abuso sa karapatang pantao at magpapahina sa demokrasya. Ipinananawagan din ang pagbibitiw ng Punong Ehekutibo na si Carrie Lam na sinasabi nilang tuta ng China.
Naging palaban ang mga residente matapos na hindi sundin ng China ang tratado na sa taong 2047 pa dapat ganap na makialam sa HK.
Sinubaybayan din ang Filipinas sa protesta sa HK. Nagpalabas ang Malakanyang ng abiso na iwasan na muna ng mga turistang Pinoy ang HK at in-abisuhan ng Department of Foreign Affairs ang mga OFW sa HK na huwag makisali sa mga kilos-protesta para sa kaligtasan ng lahat.
Bumagsak ang ekonomiya ng HK ng 0.4% nang magsimula ang kaguluhan. Ayon kay Lam, pinangangambahan na ito ay mauwi sa resesyon. Isa sa magiging pangamba ng Filipinas sa krisis ng ekonomiya ng HK ay ang posibilidad na maraming OFWs ang mawawalan ng trabaho at bumalik na lamang sa bansa. Isa ito sa mga kailangang paghandaan ng ating pamahalaan.
Kung ating mapapansin, naikuwento ng kasaysayan kung paano noon pinagtig-isa-isahan ng mga bansa sa Kanluran ang China upang maging ko-lonya. Matapos ang panahong ito, binansagan itong sleeping Giant. Tunay ngang nagising na ang China upang bawiin ang mga parte nito na nakuha sa kanya, gaya ng HK at Taiwan.
Parang isang magulang na napawalay sa dalawang anak na HK at Taiwan ang China. Ngayong gusto na niyang pauwiin ang kanyang mga anak, ayaw nilang magsiuwi dahil tutol sila sa sariling mga patakaran sa bahay na kanilang uuwian, at dahil na rin sa kanilang kinagisnan na para sa China ay dapat nang bitawan.
Nakakatawang isipin na ang mga lugar na mismong mga parte ng China ay napakatapang umalma sa panghihimasok ng China sa mga teritoryong ito. Samantalang sa Filipinas, tila welcome na welcome ang China. Sa kaso ng HK, kitang-kita na hindi marunong tumupad sa mga pormal na kasunduan ang China. Kaya nakapagtataka na sa kasunduan sa West Philippine Sea, bakit hindi ganoon katatag at katapang ang ating pag-alma.
Todo bahagi ng paghanga ang mga Filipino sa lakas ng loob at determinasyon ng mga HongKonger na ipaglaban ang kanilang kinabukasan. Hindi nga? Hanggang paghanga na lang ba tayo sa mga dayuhan sa pagmamahal sa bayan at pagtatanggol sa karapatan ng susunod na henerasyon?
Napakawatak-watak natin bilang bansa sa mga usaping politika at ekonomiya. Marami ring magaling makialam kahit walang alam. Hindi magandang inspirasyon ang kaguluhan na ating nakikita sa Hong Kong, ngunit ang kanilang nagliliyab na pagmamahal sa bayan at pagprotekta sa kinabukasan ng kabataan ay magiging modelo rin sa atin.
Sana’y gaya ng mga taga Hong Kong, maging malinaw rin sa atin ang mga isyu na dapat nating ipaglaban. Sabi nga sa ating pambansang awit, “Sa manlulupig, ‘di ka pasisiil.”
Comments are closed.