GULONG NG ANDAS NG NAZARENO TINIBAYAN

BILANG Paghahanda sa nalalapit na kapistahan ng Poong Itim na Hesus Nazareno at Traslacion 2025, mas pina­tibay na ang mga gulong at ginawa na itong sunproof upang hindi basta basta masira o mapinsala ang poon sa gaganaping prusisyon.

Sinabi ni Fr.Robert Arellano, tagapagsalita ng Minor Basilica at national Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church na sa gagana­ping kapistahan ng Jesus Nazareno ay makikita na ng mga deboto ang imahe ng poon sa prusisyon na hindi nagpapawis ang salamin o nagmo-moist.

Dagdag pa nito, ito ay gawa sa tempered glass upang mas pumasok ng natural na liwanag ng araw sa Mahal na Poong Hesus Nazareno at malinaw itong makita ng mga deboto mula sa mga establisyimento na dadaanan ng andas.

Sinabi rin ni Fr.Arellano na mas lalong pinagtibay ang stainless metal na nakikita at nakakabit gayundin ang gulong ng andas upang hindi magkaroon ng anumang sira at makaantala sa gaganaping prusisyon.

Umaasa naman ang pari na ang prusisyon ngayong taon ay mas mabilis at magiging maayos habang pinaalalahanan din ng Simbahan ang mga deboto na sumunod sa mga patakaran at regulasyon sa pagsasagawa ng Traslacion.

Bilang bahagi ng security measures sa pagdiriwang ng Kapistahan, magpapatupad ng liquor at gun ban sa paligid ng Quiapo.

PAUL ROLDAN