GUMAGAWA NG COSMIC CARABAO GIN INIIMBESTIGAHAN

COSMIC CARABAO GIN

MASUSI nang iniimbestigahan ng pamunuan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang manufacturer ng Cosmic Carabao gin na sinasabing siya umanong naging dahilan nang pagkamatay ng isang babae kamakailan.

Ayon kay Health Undersecretary at FDA chief Rolando Enrique Domingo, nakakuha na ang FDA ng sample ng naturang produkto na manufac-tured ng kompanyang Juan Brew Inc.

Susuriin umano nila ang naturang produkto upang matukoy ang mga sangkap nito.

Hinala naman ni Domingo na posibleng may methanol ang nakalalasing na inumin, na maaring naging sanhi ng pagkamatay ng babaeng nakainom nito.

“Itong mga samples na ito ay ite-test na sa ating laboratory to confirm kung ano ‘yung content niya kung may possibility na may methanol siya,” ani Domingo.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga produktong hindi rehistrado sa FDA.

Panawagan pa niya, huwag basta-basta uminom ng kung ano-anong produkto, lalo na ang mga kabataan. Dapat aniyang suriin munang mabuti at basahin kung ano ang nasa label ng mga produktong ikokonsumo.

Mas makabubuti aniya kung titiyaking ang mga pagkaing kakainin o iinumin ay aprubado ng FDA upang hindi malagay ang kanilang kalusugan at buhay sa panganib.

“You have to check if this is FDA approved, if this is not, let us not put risk on our lives, the lives of our family by drinking such mixture,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ