GUMAGAWA NG KENDI SA MISOR NAHAHARAP SA DEMANDA

TAGOLOAN

NAHAHARAP sa limang kaso ang operators ng sigarilyo at gumagawa ng kendi gayundin ang pagsasara ng pasilidad ng mga ito matapos ma-raid ng awtoridad sa bayan ng Tagoloan ng Misamis Oriental, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kamakailan.

Sa isang pahayag, sinabi ng BIR Revenue Region 16, nahaharap ang mga responsable na gumagawa ng sigarilyo at nginunguyang tabako sa paglabag sa iba’t ibang seksiyon ng Tax Code kasama ang hindi legal na pagnenegosyo at hindi pag-file ng excise tax return.

Ayon sa BIR, na ang operators ng pasilidad ay ni-raid ng awtoridad ka­makailan ay nahaharap din sa kaso dahil sa ilegal na pagtatago ng mga gamit na dapat ay may excise tax na hindi nagbabayad, ilegal na pagtatago ng pekeng internal revenue stamps, at pag-iwas sa pagbabayad ng excise tax.

“We are coordinating with the NBI-10 (National Bureau of Investigation) in determining the identities of those responsible,” sabi ng BIR-16.

Armado ng search warrants, ni-raid ng BIR at NBI personnel ang dalawang gusali sa loob ng Timberwood Development Corporation compound sa Barangay Mohon, Tagoloan, at doon nila natagpuan ang mga materyales na pinaniniwalaang ginamit sa produksiyon ng kendi, sigarilyo at chewing tobacco.

Ayon kay Barangay Mohon chairman Francis Jerson Sabio, nakarinig na sila ng balita tungkol sa paggawa ng kendi at ibang produkto sa loob ng pitong ektaryang compound na nasa pag-aari ng Taiwanese Huang Teng Pee, at nasa loob ng Phividec Industrial Estate area.

“All we had was hearsay since we haven’t seen the manufacturing operation itself,” ani Sabio, dagdag na ang Timberwoods ay nagsimula ng kanilang negosyo noong huling taon ng 1990s pero nagsara ng kanilang plywood processing dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa pahayag ni Sabio, nagdesisyon si Huang na magrenta ng warehouses para makabawi sa pagkalugi.

Noong nakaraang mga buwan, nagsagawa ang Mohon barangay council at  Phividec ma­nagement ng magkasaping inspeksiyon sa Timberwood compound. Sinabi ni Sabio na wala siyang nakitang ebidensiya ng manufacturing activities dahil ang ibang warehouse ay nakakandado.

Sinabi niya na ang Timberwood at mga kompanya na nagpapatakbo sa loob ng compound ay walang barangay permits.

Nakita sa dalawang warehouse ang mga materyales at mga sangkap na ginagamit sa paggawa ng kendi, chewing tobacco, at sigarilyo.

Nakumpiska rin sa lugar ang plastic bags na puno ng kendi at mga karton ng sigarilyo na nagtataglay ng ilang brands na ibinebenta sa merkado.

Sinabi ni Lieutenant Colonel Mardy Hortillosa, Police Regional Office-10 spokesperson, na ang mga pulis ay naghahanap na kay Huang at sa iba pang mga tao sa likod ng ilegal na manufacturing operation.

Sinabi ni Hortillosa na ang operator ng manufacturing facility ay mahaharap sa paglabag sa  Republic Act 8293 o ang  Intellectual Property Code of the Philippines.     PNA

Comments are closed.