PUMALO na sa mahigit 231,000 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa case bulletin no. 193 na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na nakapagtala pa sila ng karagdagang 765 COVID-19 recoveries hanggang 4PM ng Setyembre 23 sanhi upang umakyat na ngayon sa kabuuang 231,373 ang kabuuang bilang ng mga pasyente na nakarekober na sa virus.
Samantala, nakapagtala naman ang DOH ng karagdagan pang 2,833 bagong kaso ng sakit, sanhi upang umabot na ngayon sa 294,591 ang total COVID-19 cases sa Filipinas.
“As of 4PM today, September 23, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 294,591, after 2,833 cases newly-confirmed cases were added to the list of COVID-19 patients,” anang DOH. “DOH likewise announces 765 recoveries. This brings the total number of recoveries to 231,373.”
Sa naturang kabuuang bilang, 58,127 pa ang itinuturing na active cases, at 86.5% sa mga ito ang mild cases, 9.2% ang asymptomatic, 1.3% ang severe habang 3.0% naman ang kritikal.
Pinakamaraming naitalang bagong kaso ng sakit sa National Capital Region na nasa 1,222; sumunod ang Cavite na nasa 228; Negros Occidental na nasa 206; Batangas na nasa 143 at Bulacan na nasa 141.
Samantala, nakapagtala ang DOH ng 44 pang pasyente na binawian ng buhay dahil sa virus.
Sa naturang bilang, 21 ang nasawi ngayong Setyembre; 14 noong Agosto; anim noong Hulyo; dalawa noong Hunyo at isa noong Mayo.
Ang mga namatay ay mula sa NCR na nasa 23; Region 4A na nasa anim; Region 6 na nasa lima; tig-dalawa mula sa Region 3 at Region 9, at tig-isa naman mula sa Region 1, Region 7, Region 10, Region 11, BARMM at CARAGA.
Mayroon namang 31 duplicates ang inalis mula sa total case count at sa nasabing bilang ay 14 ang recovered cases at isa ang patay.
Mayroon din 21 kaso na unang iniulat na nakarekober ngunit malaunan ay ni-reclassify bilang namatay ang 16 sa kanila at aktibong kaso pa rin ang limang iba pa, matapos ang pinal na balidasyon.
Mayroong isang kaso na unang iniulat na namatay na ngunit malaunan ay natukoy na nakarekober pala.
Kaugnay nito, mayroon pang limang laboratoryo ang hindi pa nakapagpapadala ng kanilang datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS) hanggang nitong Setyembre 22, kabilang dito ang Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center GX; Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center RT-PCR; Parkway Medical and Diagnostic Center; Taguig City Molecular Laboratory at Valenzuela Hope Molecular Laboratory. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.