GUMAWA NG MAKATOTOHANANG RESUME KUNG MAG-AAPLAY NG TRABAHO

rene resurrection

MAY  isang nanay na nagtanong sa isa pang nanay, “Mare!  Kumusta  na ang anak mong si Junior?  Matagumpay na ba siya sa buhay?”  Sagot ng pangalawang nanay, “Hindi pa nga e.  Umaasa pa rin sa amin.”  Tanong ng  unang ina, “Bakit nagkaganoon?  Akala ko ba ng sabi mo na edukasyon ang susi sa tagumpay.  Tapos na sa kolehiyo ang anak mo, ‘di ba?  E bakit wala pa rin siyang tagumpay?” Sagot ng pangalawang ina, “Naha­nap na nga niya ang susi  ng tagumpay.  Ang problema ay hindi pa niya nahahanap ang tamang kandado.”

Isang nakatutuwang kuwento ang nasa itaas. Subalit totoo, maraming mga magulang ang may pananampalataya na dapat pagtapusin sa kolehiyo ang kanilang mga anak para magkaroon ng tagumpay.  Totoo rin na ang edukasyon ay isa sa mga susi ng tagumpay.  Maganda at tama lang talaga na dapat mamuhunan sa edukasyon ng ating mga anak.  Subalit ang edukasyon ay talagang kalahati lamang sa mga  sangkap ng tagumpay.  Kung tapos na nga sa pag-aaral ang ating mga anak subalit kung hindi naman sila makahahanap ng magandang trabaho ay parang balewala rin ang kanilang edukasyon.

“Ang kinakain ng tao ay dapat galing sa trabaho.”  Ang lahat ng tao na husto ang ­pangangatawan, wasto ang pag-iisip, at kumpleto ang mga bahagi ng kanilang katawan ay dapat talagang magtrabaho.  Sa mundong ito, bawal talaga ang tamad.

Para magkaroon ng magandang trabaho, malaki ang maitutulong ng mayroon kang inihandang ‘resume’. Ang resume ay tinatawag ding biodata  o curriculum vitae.   Ito ay ang buod ng iyong mga kaalaman, kasanayan at kakayahan.  Ang lahat ng nagtapos ng kolehiyo o mag-aaplay ng trabaho ay dapat marunong gumawa ng isang resume.  Ano-ano ang  mga nilalaman ng resume?

Unang-una, dapat ay nakasaad dito ang ‘personal  information’  ng isang nag-aaplay sa trabaho.  Ano ang kanyang buong pangalan, petsa ng kanyang kapanganakan, lugar kung saan ipinanganak, kasarian, timbang, tangkad, at iba pa.

Pangalawa, dapat nakasaad din dito ang kanyang educational background.  Ano ang kursong natapos niya, ano ang pangalan ng kanyang paaralan, taon ng pagtatapos, at anong klaseng diploma ang tinanggap niya.  Saan siya nagtapos ng ­elementarya, mataas na paaralan  at kolehiyo.  Kung hindi siya gradweyt ng kolehiyo, ano ang volcational course na natapos niya?  Mayroon ba siyang mga gantimpala, gawad, awards, medals, certificates, o recognition na natamo sa paaralan?

Pangatlo, ano ang mga training program na natapos niya? Ano ang pamagat ng training program, ano ang petsa  nito, ano ang mga kasanayan (skills) nakamit o natutunan niya?  At ano ang pangalan ng institusyon o ahensiyang  nagpatupad ng mga ito?

Pang-apat, ano ang mga karanasan niya sa trabaho?  Saan siya nagtrabaho noon?  Ano ang posisyon niya? Ano ang buod ng kanyang mga katungkulan sa mga posisyong  iyon?  Ano ang pangalan ng kompanya  o ahensiya kung saan siya nagtrabaho?  Kahit estudyante pa lang siya noon, nagkaroon ba siya ng part time na trabaho?  Kahanga-hanga sa isang kompanyang  pinag-aaplayan ang malamang nag-working student ang isang applicant.  Nagpapatunay ito ng kanyang kasipagan at determinasyong magtagumpay.

Panlima, ano ang mga extra-curricular activity na ginanap o sinalihan niya sa paaralan?  Importante rin ito. Naging leader ba siya ng isang club – Science Club, Math  Club, religious club, atbp.?  Naging aktibo ba siya sa  isports?  Nag­representa ba siya sa paaralan niya, sa mga  inter-school sports competition?  Naging officer ba siya sa Citizens Military Training (CMT) o ROTC?  Mayroon ba siyang mga parangal na natamo sa anumang gawaing pampaaralan?

Panghuli, dapat ay mayroon ding isusulat na dalawa o tatlong references. Pangalan ito ng mga kilalang tao o mga taong may mataas na posisyon tulad ng dating propesor, da­ting boss, o dating nakatrabaho na puwedeng  magpatunay sa pagkatao, kasipagan, katapatan, magandang attitude sa trabaho, atbp. ng isang taong nag-aaplay.

Kung gagawa ka ng resume, kailangan ay pawang katotohanan ang isusulat doon.  Kung magsisinungaling ka, madidiskubre ka at masisira ang iyong pangalan. May kasabihan tayong mga Filipino, “May pakpak ang balita; may tainga ang lupa.”  Walang lihim na ‘di nalalantad.

Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isanglibo.”