UMARANGKADA na ang inilatag ng Commission on Election (COMELEC) na gun ban checkpoint katuwang ang ilang law enforcement agency ang sa mga itinakda sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at mga lalawigan.
Apat katao ang dinakip habang kinumpiska ang ilang mga baril sa unang araw ng implementasyon gun ban kahapon at pagsisimula ng election period para sa midterm polls.
Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Rommel Francisco Marbil, mula sa rehiyon ng BARMM, Region12 (Soccsksargen), Region 6 (Western Visayas) at Region 3 (Central Luzon).
Ilang mga baril din ang nakumpiska sa Region 6.
Ang pagpapatupad ng Comelec Check Points ay bahagi ng security protocols upang mapigilan ang anumang gulo at karahasan sa nalalapit na halalan na magtatagal hanggang Hunyo 12, 2025.
Sa nationwide gun ban mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril ng sinumang sibilyan maliban na lamang kung may permit o sertipikasyon mula sa Comelec.
Tanging ang mga pulis at sundalo lamang ang awtorisadong mag bitbit ng baril kaakibat ang dokumento na nagsasaad ng kanilang pangalan, ranggo at deployment.
Sa panig ng Cavite, unang inilatag ang gun ban checkpoint sa bahagi ng Lancaster sa Barangay Alapan 2-A sa Imus City na pinangunahan nina Cavite Provincial Director Col. Dwight E. Alegre at Provincial Comelec Chairman Atty. Mitchell “Mica” Castro.
Katuwang din sa gun ban checkpoint ang Cavite PNP, Phil. Army, Highway Patrol Group, Cavite PNP Swat Team, Cavite Bureau of Fire and Protection, Phil. Coast Guard, Municipal Disaster Risk Reduction and Management at K-9 Group ng PNP.
Sa pahayag ni Alegre sa mga motorista na sisiguruhin maging tahimik, payapa at malinis ang darating na eleksyon, sumunod sa batas at huwag magdala ng baril kahit may lisensya man o wala para maiwasan ang problemang magiging batik sa ating buhay.
Samantala, sa ipinalabas na Comelec Resolution No. 11067 sa ilalim ng Omnibus Election Code Section 261, ipinagbabawal ang sinuman na magdala ng baril sa labas ng kanilang bahay maliban na lamang kung may pahintulot ng Comelec simula Enero 12, 2025 hanggang Hunyo 11, 2025.
Hindi rin pinapayagan ang mga kandidato na gumamit ng mga armadong security personnel o bodyguard maliban kung binigyan ito ng pahintulot ng Comelec.
Sinumang masakote na nagdala o kaya nag-transport ng deadly weapons sa pampublikong lugar kabilang na sa mga gusali, kalsada o kaya sa sasakyan ay makukulong ng isang taon hanggang 6-taon; permanent disqualification mula sa public office at pagkawala ng karapatang bomoto.
Maging ang mga banyagang nagbitbit ng deadly weapons sa ilalim ng Comelec gun ban at naaresto ay ipapatapon palabas ng bansa pagkatapos ang itinakdang prison term ng mababang hukuman.
MHAR BASCO
———
Gayundin, nasa strategic location na ang checkpoint ng Northern Police District (NPD) sa apat na lungsod na nasasakupan nito.
Nitong araw ng Linggo, nagsimula na ang election period at ipinatutupad na ang COMELEC checkpoint sa iba’t ibang panig ng bansa at ang pagpapatupad ng gun ban hanggang Hunyo 11, 2025.
Sa ilalim ng Republic Act no. 7166, sa panahon ng Election period, wala nang pinapayagang magbitbit ng baril o iba pang deadly weapon sa mga pampublikong lugar, maliban kung may exemption mula sa Commission on Elections (COMELEC).
Tanging ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang enforcement agencies na deputized ng COMELEC ang pinapayagan lamang.
Sa Caloocan City, may inilagay na checkpoint sa magkabilang panig ng EDSA sa Monumento area.
May mga checkpoint na ring nakalatag sa Malabon, Navotas at Valenzuela.
EVELYN GARCIA
———
Kaugnay nito, 1,472 na mga checkpoint ang ipinakalat ng PNP sa buong bansa na makikita sa umaga, tanghali hangang gabi.
Kasabay nito ang babala sa lahat ng gun owner na umiiral na ang election gunban.
Ang mga mahuhulihan ng baril ay makakasuhan ng paglabag sa Omnibus Election Code.
Sususpindehin din ang lisensya ng mga license gun owner.
Muli namang ipinaalala sa mga pulis ang tamang pagsasagawa ng checkpoint partikular na ang plain view doctrine
Kailangan din na may sapat na checkpoint signage na nasa maliwanag na lugar
Obligado rin ang mga pulis na gamitin ang kanilang body camera at pinatitiyak na may CCTV camera sa kanilang check point.
EUNICE CELARIO