(Gun ban ikinasa na rin) PNP NAKAALERTO SA ELECTION PERIOD

ISANG Linggo bago ang pagsisimula ng election period sa Enero 12,  plantsado na ang seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) para sa 2025 Midterm Elections at partikular na tututukan  ang mga lugar na isasailalim sa election areas of concern.

Sa datos na inihayag ni PNP Public Information Office Chief Brig. Gen. Jean Fajardo, sa kasalukuyan may 37 lugar ang inirekomenda sa Commission on Elections (COMELEC) na isailalim sa areas of concern dahil sa iba’t ibang risk factors.

Gayunpaman, idiniin ni Fajardo na pag-aaralan pa rin kung ano ang magiging kategorya ng isang lugar.

“Again dadaan pa rin ito sa assessment at i understand this has already been discussed doon sa committee on ban on firearms and security concerns at once matapos ‘yung reassessment nila isa-submit nila ‘yan sa Comelec En Banc and ang Comelec En Banc ang maglalabas ng official list ng election areas of concern,” ayon kay Fajardo.

Kasama sa mga pagbabasehan ay ang pagkakaroon ng intense political rivalry,  history ng election- related violence at ang presensya ng threat groups at mga Private Armed Groups (PAGs).

Sa talaan ng PNP, may tatlong aktibong PAGs ang binabantayan sa Region 3, Region 7 at sa Bangsamoro Region habang mayroong limang 5 potential PAGs din ang minomonitor nila sa Luzon, Visayas at Min­danao.

Ani Fajardo, ipinag-utos ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang pagdedeploy ng karagdagang puwersa sa naturang mga lugar.

“Mahigpit ‘yung utos ng ating Chief PNP na bantayan itong mga active PAGs na siguraduhin na hindi ito magagamit ng sinumang pulitiko or grupo na maaaring makapag influence ng election,” aniya.

Kasabay ng pagpasok ng election period ang pagpapatupad din ng COMELEC gun ban mula Enero 12 hangang Hunyo 11, 2025, kung saan suspendido ang lahat ng Permit To Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR).

“Malinaw sa inilabas na COMELEC Resolution meron lamang exemp­ted.  Una siyempre diyan yung mga law enforcement agencies pero meron naman talaga na exempted din maliban doon sa ating mga uniformed services katulad ng ating mga justices, yun pong mga lawyers, judges and of course yung mga regularly as part of their function yung mga humahawak ng malala­king pera, mga cashier ay pinapayagan yan magdala but for those na hindi kasama doon sa exclusive list na yun if they wish to bring firearms outside of their respective residen­ces and places of business they have to apply for certificate of authority from Comelec.” dagdag pa ni Fajardo.

EUNICE CELARIO