GUN BAN IPATUTUPAD SA SINULOG FESTIVAL

CEBU- NAKATAKDA umanong magpatupad ng gun ban at i-regulate ang paggamit ng drone sa buong lungsod sa panahon ng Fiesta Señor at Sinulog Festival upang matiyak ang seguridad ng mga deboto.

Ayon sa lokal na pamahalaan hihilingin nila ito sa Philippine National Police (PNP).

Naniniwala si Konsehal Philip Zafra, tagapangulo ng committee on peace and order ng Cebu City Council na ang pagpapataw ng naturang panukala ay dagdag na proteksyon dahil mapipigilan nito ang paggawa ng mga krimen sa panahon ng pagdiriwang.

Binanggit nito na sasamantalahin ng mga kriminal mula sa ibang probinsiya ang pagkakataon na magwelga sa mga lugar kung saan karaniwang nagtatagpo ang mga deboto, partikular sa paligid ng Basilica Minore del Sto. Niño at sa downtown area.

Ang mga deboto ay magtitipon-tipon sa Basilica mula madaling araw hanggang gabi para sa mga misa ng novena na nagsimula nitong Enero 11 at magtatapos sa Enero 19 at susundan ng Fluvial Procession ng mapaghimalang imahen ng Sr. Sto. Niño sa kahabaan ng Mactan Channel gayundin ang Solemn Foot Procession sa Enero 20.

Aniya, tanging ang mga miyembro lamang ng PNP at iba pang law enforcement agencies na naatasang mapanatili ang kaayusan ng publiko ang hindi mapapaloob sa pagbabawal.

Sinabi rin ni Zafra na nakikipag-ugnayan sila sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa regulasyon sa pagpapalipad ng mga drone sa lungsod hanggang Enero 22.

Noong 2023, ipinagbabawal ang mga drone at helicopter na lumipad sa ruta ng Sinulog Grand Parade sa South Road Properties nang walang pahintulot mula sa Police Regional Office-7.

Gayunpaman, sinabi ni Zafra na ang mga pulis, militar, traffic enforcer, miyembro ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office, at iba pang taong awtorisado ng CAAP at PNP ay exempted sa polisiya. EVELYN GARCIA