MULING nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na planuhing mabuti ang kanilang biyahe sakaling nais pumasok sa Maynila dahil maraming kalsada ang sarado simula ngayong araw.
Kasabay ng road closure kaninang alas-12:01 ng hatinggabi ay ang pagpapatupad ng gun ban kaya naman nakalatag na ang checkpoints sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, ang nasabing security measures ay alinsunod sa kautusan ni PNP Officer-In-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr, para matiyak ang kaligtasan sa inagurasyon ni President-Elect Ferdinand Marcos Jr. na gaganapin sa National Museum, P, Burgos Street, Malate, Maynila sa Hunyo 30.
Dalawang bahagi ng Maynila ang makikitaan ng paghihigpit, ayon kay Fajardo ay sa Malate kung saan naroon ang National Museum at sa Mendiola na gaganapin naman ang concert.
“Gusto lamang namin ipaalala na simula bukas 12:01 of June 26 ay isasara na ang kahabaan ng Padre Burgos, Finance Road, Ma. Orosa, Gen. Luna. ‘Yan naman yung mga areas na malapit na doon sa National Museum. Doon sa Mendiola area kung saan gaganapin yung concert ay simula June 29 12:01 ay isasara na rin Iyan pati na rin ‘yung kahabaan ng Ayala Boulevard ay isasara rin ‘yan. So ngayon pa lamang ay paghandaan na ng ating mga kababayan kung saan-saan sila papasok at dadaan na mga lugar at sa kabutihang palad ay meron na rin official announcement ang LGU ng Manila na national holiday on June 30 kaya malaking tulong ito para makabawas ng inaasahan nating traffic congestion particularly diyan sa area ng National Museum at siyempre effective June 27 gusto natin inform yung ating mga kababayan na epektibo na ‘yung gun ban at mananatili ‘yung gun ban hanggang July 2,” ayon kay Fajardo.
Samantala, inaasahan na aabot ng hanggang 15,000 pulis ang ide-deploy sa mga istratehikong lugar habang mayroon ding magbabantay sa apat na freedom parks gaya sa Plaza Dilao, Plaza Miranda, Liwasang Bonifacio at sa Plaza Moriones na posibleng pagtambayan ng mga supporter ni Marcos at mga anti-BBM.
Magugunitang sinabi ni PNP Director for Operations, Maj. Gen. Val de Leon na hindi lang pulis ang magbibigay ng seguridad sa BBM inauguration kundi maging ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard at maging ang local barangay police force.
EUNICE CELARIO