MAHIGPIT na ipatutupad ng Commission on Elections (COMELEC) ang gun ban kaugnay sa nalalapit na halalan simula Enero 12 hanggang Hunyo 11, 2025.
Ayon sa Comelec, ipinagbabawal ang pagdadala, pagbibitbit at pagbiyahe ng mga armas o nakamamatay na sandata sa mga pampublikong lugar, pribadong sasakyan o pampublikong sasakyan, maliban kung may kaukulang awtorisasyon mula sa poll body.
Sa panahon ng gun ban, ipinagbabawal ang sumusunod nang walang pahintulot mula sa Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC):
· Pagdadala ng mga armas at nakamamatay na sandata sa labas ng tahanan o lugar ng negosyo at sa lahat ng pampublikong lugar.
· Paggamit o pagkuha ng serbisyo ng mga security personnel o bodyguard.
· Pagbiyahe ng mga armas, bahagi ng armas, bala at mga bahagi nito pati na rin ng mga pampasabog at mga kontroladong kemikal.
Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng mga sumusunod na parusang pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, permanenteng diskwalipikasyon mula sa paghawak ng pampublikong posisyon at pagkawala ng karapatang bumoto at deportasyon para sa mga dayuhan matapos ang pagsilbi ng parusang pagkakakulong.
Pinaalalahanan ng Comelec ang publiko na sundin ang mga alituntunin upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa panahon ng halalan.
Ang sinumang nagnanais humingi ng pahintulot para sa mga nabanggit na aktibidad ay maaaring makipag-ugnayan sa CBFSC para sa pagkuha ng Certificate of Authority.
RUBEN FUENTES