CAVITE- NALAMBAT ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang negosyante na nagbebenta ng iba’t ibang uri ng baril sa isang raid sa Barangay Sanja Mayor, Tanza sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Lt.Col. Marlon Santos, Region 4a CIDG chief ang suspek na si Romeo Dizon Sr. 46-anyos, may- asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Sa ginawang pagsisiyasat ng tanggapan ni Santos, si Dizon ay sangkot umano sa pagbebenta ng mga loose firearms sa ilang grupo ng sindikato na nag-ooperate sa Cavite at ilan pang karatig probinsiya.
Sa bisa ng isang search warrant na inisyu ng tanggaoan ni Presiding Judge Ralph Arellano ng RTC branch 132 ng Naic , Cavite, nakumpiska sa bahay ni Dizon ang iba’t- ibang kalibre ng baril na nakabalot sa mga kahon at tela ng damit.
Kabilang sa nasamsam ang ,1 cal .30 carbine ; 1 cal.45; 1 9 mm armscor pistol at 1 cal. 38 smith and wesson.
Ang raid na pinamunuan ni Major Jet Sayno, Cavite CIDG head ay naglalayon na masugpo ang kriminalidad kung saan gamit umano ng mga sindikato ang matataas na kalibre ng baril.
Sinabi naman ni Santos na sasailalim sa isang forensic examination ang mga nakumpiskang baril para matukoy kung nagamit na ang mga ito sa ilang nangyaring krimen sa rehiyon. ARMAN CAMBE