GUN OWNERS ISAMA BILANG RESERVIST

NAIS  ni Senador Mark Villar na ikonsiderang isama ang licensed gun owners bilang militar o police reservists.

Ang reaksyon ni Villar ay sa gitna ng tumataas na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

“If you see in other countries, talagang nakatutok sila sa training ng kanilang reservist, at any moment puwede silang pumasok sa military kung kailangan nila ng enforcement. So, kasama yan, at sa tingin ko, kailangan pa nating palakasin ang ating reserved force. And we need to give them more support for the training, for materials,” pahayag ni Villar.

Iminungkahi ni Villar, na isang military reservist, ang panukala sa sideline ng 29th Defense and Sporting Arms Show kung saan ipinakita ang ilan sa mga pinakabagong kagamitan sa baril, bala at firearms accessories.

Nanawagan din si Senadot Ronald “Bato” dela Rosa, na kasama ni Villar sa pagbubukas ng event, sa mga responsableng may-ari ng baril na maging handa na ipagtanggol ang Pilipinas kung may mangyari na hindi kanais-nais sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.

“Yung threat sa ating bansa ay andyan lang sa paligid. Lalong-lalo na ‘yung problema natin ngayon d’yan sa hidwaan ng ating bansa sa bansang Tsina, d’yan sa ating West Philippine Sea,” sabi ni Dela Rosa, chairman ng Senate Public Order and Dangerous Drugs.

Ayon pa sa dating PNP chief, ang baril ay hindi lamang laruan o accessories.

“Isipin ninyo, pag dumating ang araw na kailangang gamitin natin ito para depensahan natin ang ating bansa. Dapat magamit nyo ang mga armas nyong yan,” diin pa niya. LIZA SORIANO