GUN RUNNER NALAMBAT SA BUY BUST

BATANGAS- BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang pinaniniwalaang miyembro ng gunrunning syndicate sa matapos magbenta ng matataas na kalibre ng baril sa isang poseur buyer sa Barangay Poblacion, San Juan sa nasabing lalawigan nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ng mga opisyal ng CIDG Region 4A ang suspek na si Pableo Macaraig, 43- anyos, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon kay Col. Jacinto Malinao, CIDG4a regional director na si Macaraig ay matagal nang pinaghahanap ng mga operatiba dahil sa pagkakasangkot nito sa pagbebenta ng hindi lisensiyadong mga baril.

Kabilang sa nakumpiska sa suspek ang isang caliber 9mm pistol at isang caliber .45 na may mga magazine at mga bala.

Nabatid na isang tip ang natanggap tungkol sa pagdating ni Macaraig na umano’y nakatakdang magbagsak ng baril sa isang grupo ng mga kalalakihan sa lugar.

Agad na bumuo ng special team ang CIDG4a para sa gagawing entrapment operation laban sa suspek.

Pagdating sa lugar ng bilihan, sinipat pa umano ng suspek ang buy bust money na nakasilid sa brown folder at nang abutin ay agad na dinakip ng mga ahente ng CIDG.

Nakatakdang kasuhan si Macaraeg sa paglabag nito sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms ang AMMUNITION Act at sa election gun ban. ARMAN CAMBE