INATASAN ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang lahat ng mga unit commander na pabalikang muli sa kanilang mga tauhan ang basic gun handling, safety at proficiency marksmanship.
Ito ay kaugnay rin sa umiiral na PNP modernization program at upgrading sa kanilang mga issued service firearms gaya ng pagbili ng may 8,000 units ng 9mm striker fired pistol.
Ayon kay Azurin, kailangan itong gawin dahil nag-a-upgrade rin ang klase ng baril na iniisyu ng PNP sa kanilang mga tauhan.
Pangamba nito na baka ilang pulis lang ang bihasa sa pagkalas ng kanilang mga baril. ‘Baka ang alam lang ng ilang pulis ay ang pagkalas ng calibre. 45, Glock at Beretta gayong ibang brand na o klase ang binibili ng PNP,” ayon pa sa heneral.
Paliwanag nito, dapat na maging bahagi ang basic gun handling sa regular na information and education ng mga opisyal sa kanilang mga tauhan.
Kamakailan ay isang tauhan ng SWAT na kinilalang si PCpl. Fhrank Aldene Yasay dela Cruz ang idineklarang dead on arrival sa pagamutan nang aksidenteng maputukan siya sa dibdib ng kanyang kasamahang si PCpl. George Mervin Cañete Duran habang sila ay naglilinis ng kanilang service firearms.
Bunsod ng nagpapatuloy na modernization program sa police organization ay bumili ang PNP ng 212 units ng 5.56mm light machine gun at 8,001 units 9mm striker fired pistol kamakailan.
Nakapaloob ito sa P761.2 million procurement program ng PNP para sa mga bagong baril, force protections, IT equipment at mga bagong sasakyan na kinabibilangan ng 130 personnel carrier (4×4), 41 units advanced life support ambulance, 1,464 all-purpose vest (tactical vest Level III).
Pinondohan ito sa pamamagitan ng Capability Enhancement Programs mula 2019 hanggang 2022 para masuportahan ang mga tauhan ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ng komunidad.
VERLIN RUIZ