(Gunban, liquor ban ipatutupad din) 22K PULIS IPOPOSTE SA 3RD SONA NI PBBM

NASA 22,000 pulis ang maglalatag ng seguridad sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa Philippine National Police (PNP).

Habang inanunsyo na rin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na binuo na rin ang Security Task Force SONA 2024 at magtatalaga rin ng Sub-Task Group na pamumunuan ng limang District Drectors sa Metro Manila.

Bukod sa seguridad ay mayroon din ipagkakaloob na medical assistance sa pagtutulungan ng mga pampubliko at pribadong ahensya.

Kabilang sa mahigpit na babantayan ng mga awtoridad ang batasang pambansa sa Quezon City, Chino Roces Bridge sa Mendiola malapit sa Malacañang, US Embassy sa Maynila, at Edsa Shrine sa Quezon City kung saan posibleng pagkutaan ng mga raliyista.

Sa Quezon City, sinabi ni Quezon City Police District Director BGen. Redrico Maranan na 6,000 pulis ang kanilang ide-deploy.

Partikular nilang tutukan ang paligid ng Batasan Complex at ang kahabaan ng Commonwealth Avenue kung saan inaasahan ang kilos protesta ng iba’t ibang grupo.

Bukod sa mga unipormadong pulis, magdedeploy rin ang QCPD ng mga nakasibilyang pulis.

“Magkakaroon tayo ng tinatawag ng SIMEX, communication exercises at ‘yung mga contingency planning nang sa ganoon habang lumalapit ‘yung petsa ng SONA ng ating Pangulo ay tuloy-tuloy tayo ng paghahanda,” ayon kay Maranan.

Bukod sa mga tauhan ng QCPD, magpapadala din ang augmentation force ang NCRPO, maging ang Calabarzon Police at Police Regional Office 3 o Central Luzon Police.

Gaya sa mga nakalipas na SONA, hindi na maglalagay ng barbwire at mga container van sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Sa ngayon wala pa naman namomo-monitor na banta sa seguridad ang mga awtoridad kaugnay sa ikatlong SONA ng Pangulong Marcos.

“Sa ngayon wala tayong namomonitor na seryosong banta sa gaganapin na SONA ng ating Pangulo but nevertheless hindi tayo nagpapabaya and we do not let our guards down. Tuloy-tuloy ang pangangalap natin ng mga information and once na meron tayong makuha mag aadjust yung ating security environment,” ayon kay Maranan.

Tiniyak din ng PNP, na isang araw bago ang SONA ay magpapatupad ng gunban at liquor ban sa Quezon City.
EUNICE CELARIO