SULTAN KUDARAT – TIWALA ang Tacurong City-PNP at Presidential Task Force on Media and Security na susunod na babagsak sa kamay ng batas ang mastermind sa pagpatay kay Benjie Caballero ang radio announcer at station manager na binaril noong Oktubre.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng Presidential Task Force on Media and Security sa pangunguna ni Undersecretary Joel Egco katuwang ang pulisya sa sinasabing gunman na nadakip ng awtoridad.
Nabatid na nasa kustodiya na ng awtoridad ang gunman sa pamamaril sa mamamahayag na si Benjie Caballero, Station Manager ng Radyo ni Juan sa Tacurong City.
Matatandaan na binaril at napatay ang biktima ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre.45 na pistola habang ito ay naghihintay ng tricycle sa harap ng kanyang bahay sa Sampaguita Street, Tacurong City noong Oktubre 30.
Isang buwang nakaratay sa Intensive Care Unit (ICU) ng Saint Louis Hospital sa nabanggit na siyudad bago ito inilipat sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City at doon na ito binawian ng buhay.
Batay sa impormasyon, tumagos ang dalawang bala na tumama sa kaniyang baga na pinaniniwalaang dahilan ng kaniyang pagkasawi at agad na inilibing ito ng kaniyang mga kaanak sa Barangay Inas sa M’lang, North Cotabato, ayon sa tradisyong Islam. VERLIN RUIZ