TULUYAN nang sumuko sa National Bureau of Investigation ang sinasabing gunman sa pagpatay sa isang mamamahayag sa Negros Oriental na si Cresenciano Aldevino “Cris” Bundoquin nitong Martes ng gabi.
Ang suspek ay kinilalang si Isabelo Bautista, na unang itinuturing na person of interest matapos na kilalanin na siyang nakatakas na suspek matapos ang pamamaril.
Bagamat sumuko si Bautista ay itinatanggi naman nito ang mga paratang na ibinabato laban sa kanya. Nais lamang umano niya na magbigay linaw at linisin ang kanyang pangalan
Dagdag pa ng opisyal, mananatili si Bautista sa kustodiya ng National Bureau of Investigation at nilinaw nito na puwede pang umuwi ang naturang suspek dahil wala pa namang isinasampang kaso laban sa kanya.
Subalit tumanggi umanong umuwi ng suspek at nagpasyang manatili sa kustodiya ng NBI
Paliwanag pa ni Usec. Paul Gutierrez na gusto umanong makipagtulungan ni Bautista upang maging malinaw ang kaso ng pagpatay sa mamamahayag. VERLIN RUIZ