“GUNMAN”NG MGA TEVES INARESTO SA LOOB NG CRAME

ISANG pulis at umano’y ‘gunman’ ng pamilya Teves na naka-detail sa Dumaguete ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa loob mismo ng Camp Crame sa Quezon City.

Kinilala ni CIDG Director Brig. Gen. Romeo Caramat ang suspek na si SSg Noel Santa Ana Alabata Jr., alyas Alfonso Edena Tan.

Inaresto ang pulis nitong Martes ng umaga sa harap ng PNP Drug Enforcement Unit (PDEG) sa bisa ng dalawang warrant of arrest para sa kasong attempted murder at attempted Homicide.

Ayon kay Caramat, si Alabata na dating naka-assign sa PDEG Region 6 ay ginamit umano ng mga Teves bilang hitman para sa isang kalaban sa negosyo.

Sinabi ni Caramat na patuloy ang ginagawa nilang pag-verify kung may iba pang kasong kinakasangkutan si Alabata.

Tiniyak naman ni Caramat na magiging patas sila sa lahat ng makakalap nilang impormasyon at sisiguraduhin na mananagot sa batas ang inarestong pulis. EUNICE CELARIO