GUNRUNNER NG SAYYAF TODAS

SULU-NAPATAY ng mga tauhan ni PNP-Anti Kidnapping Group ang isang hardcore member ng Abu Sayyaf Kidnap for Ransom Group sa ikinasang police operation sa Sitio Buton, Barangay Kansipat, Panamao sa lalawigang ito nitong nakalipas na Linggo.

Sa ulat na isinumite kay PNP Chief Gen Debold Sinas ni AKG Director Brig. Gen. Jonnel Estomo, kinilala ang suspek na si Wahid Sahid, active member ng ASG/Kidnap for Ransom Sulu-based group sa ilalim ni ASG Sub-Leader Almujir Yadah.

Sinasabing ang grupo ni Yadah ay may koneksiyon din sa ilang mga private armed groups na nag-ooperate sa 2nd District ng Sulu.

Si Sahid ay napatay ng mga operatiba ni AKG –Mindanao Field Unit chief P/Lt Col Clarence Gomeyac sa operasyon sa Panamao katuwang ang MarineBattalion Landing Team 1, Philippine Marines, at Regional Mobile Force Battalion at Pa­namao PNP.

Ayon kay AKG Spokesman, P/Lt Col Ronaldo Lumactod , ang suspek ay sangkot sa smuggling ng mga armas na siyang nagbibigay o nagsisilbing supplier ng mga high-powered firearms sa mga ASG/KFR sa Zamboanga City at Sulu.

Nabatid na nakipagtransaksiyon ang tropa ni Gomeyac sa suspek para bumili ng baril pero habang papalapit ang mga ito sa bahay ni Sahid ay pi­naulanan sila ng bala gamit ang M14 rifle kaya’t agad na gumanti ang mga operatiba na ikinasawi nito.

Base sa intelligence information na nakalap ng AKG Mindanao Field Unit, may planong maglunsad ng kidnapping for ransom operation ang ASG na matapos maberipika ay tiniktikan na ang suspek sa Barangay Labuan, Zamboanga City noong Enero na siyang nagsilbing spotter kung sino ang posibleng target.

Na-recovered mula kay Sahid ang 1 M14 rifle; 1 M14 rifle na may naka-insert na magazine at ammunition; 1 M14 rifle na walang magazine; 1 M4 Cal. 5.56mm may naka-insert na short magazine at ammunition na may naka-attached na M203 Grenade Launcher at dalawang 40mm ammunition. VERLIN RUIZ

Comments are closed.