GUO DINAPUAN NG LUNG INFECTION

BAGO ibiyahe patu­ngong Pasig City Jail kahapon ng umaga ay dumaan muna sa medical procedure si Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo upang malaman ang estado ng kalusugan nito bago i-turn over sa nasabing piitan.

Gayunpaman, lumabas sa pagsusuri na dinapuan ito ng lung infection, ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo.

Sa kabila ng medical findings, natuloy ang paglilipat sa kanya sa kustodiya ng Pasig City Jail Female Dormitory bilang pagtugon sa naunang kautusan ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167.

“Mag-aalas-9 ng uma­ga nang lumabas sa PNP Custodial Center ang coaster na naghatid kay Guo sa Pasig City,” bahagi ng pahayag ni Fajardo sa press conference kahapon.

Sinabi ni Fajardo na eksakto alas-9:33 ng umaga nang mai-turn over si Guo ng PNP sa kustodiya ng Pasig City Jail Female Dormitory dahil ang korte sa nasabing lungsod ang humahawak sa kasong qualified human trafficking ng sinibak na alkalde.

Sinabi ni Fajardo na bahagyang may sipon at ubo si Guo habang hindi masabi kung saan ito nahawa o maaaring dala na rin ng mental stress at iginiit na nag-iisa lamang ito sa kanyang selda kaya walang maaaring makahawa maliban sa dumadalaw na abogado.

“Nung Friday,  ‘nung na C-ray din siya also ECG, antigen at negative po walang nakitang traces of any infection doon sakanyang X-ray.  Ang sabi ng doctor possibly nag-develop ito over the weekend, sabi ng doctors possible daw,  kasama na ng stress at pagod that is why there is a need to conduct further examination,” ayon kay Fajardo.

Samantala, inihayag na­man ni Bureau of Jail Management Bureau (BJMP), isasailalim sa panibagong medical exam si Guo para i-confirm ang resulta ng X-ray sa PNP.

Habang hinihintay ang resulta, pansamantala muna sIyang ilalagay sa isolation area sa loob ng Pasig City Jail kung saan kasama niya ang iba pang inmate na may kahalintulad na sakit.

“Ang advice ng aming Health Service ay isolate siya.  May kasama siyang tatlo doon na may tuberculosis case pero ito ay almost na naggagamutan and inaassure naman ng ating doctor na hindi na ito nakakahawa ‘yung tatlo na naka-isolate.  So,  doon siya ilalagay to protect din ‘yung general population,” ayon kay  BJMP Spokesperson, Supt, Joseph Jayrex Bustinera.

EUNICE CELARIO