GUO ILILIPAT SA PASIG CITY JAIL

IPINAG-utos ng Pasig Regional Trial Court (RTC) ang paglipat kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Pasig City Jail female dormitory sa kasong qualified human trafficking case.

Sa apat na pahinang utos, sinabi ni Pasig RTC Branch 167 Presiding Judge Annielyn Cabelis , nakakita ng probable cause ang korte para litisin si Guo at mga kapwa akusado nito.

Bukod kay Guo, kasama sa akusado sina Huang Zhiyang, Rachelle Joan Malonzo Carreon, Zhang Ruijin, Baoying Lin, Yu Zheng Can, Dennis Lacson Cunanan, Jamielyn Santos Cruz, Roderick Paul Bernardo Pujante, Juan Miguel Alpas, Merlie Joy Manalo Castro, Rita Sapnu Yturralde, Rowena Gonzales Evangelista, Thelma Barrogo Laranan, Maybelline Requiro Millo alias Shana Yiyi at Walter Wong Long.

Ang Malaysian na si Long ay  kasalukuyang nakakulong sa Tarlac Provincial Jail matapos maaresto sa Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Bamban, Tarlac sa isang raid noong Marso.

Kakasuhan din ang mga nabanggit ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at walang inirekomendang piyansa sa kanila.

Itinakda ng korte sa Pasig ang arraignment at pre-trial kina Guo at Walter Wong Long sa Setyembre 27, bandang alas-8:30 ng umaga sa pamamagitan ng video conferencing.

Agad na ibinalik si Guo sa PNP Custodial Center sa Camp Crame matapos ang kanyang graft case arraignment sa Valenzuela City RTC Branch 95 habang inaayos ang kanyang paglipat.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na natanggap na nila ang utos ng korte para sa paglipat kay Guo.

“We will follow the court’s order. We are also awaiting the disposition of the Valenzuela court today during their arraignment and pre-trial, if it would issue a commitment order with respect to the case filed against her in Valenzuela. But since the Pasig RTC has issued an order, we will honor this order,” pahayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa press briefing sa Camp Crame, Quezon City.

Noong nakaraang linggo, inilipat sa Valenzuela RTC ang kasong graft laban kay Guo mula sa mababang hukuman ng Capas, Tarlac dahil sa kawalan ng hurisdiksyon sa ilalim ng Republic Act 10660 (Functional and Structural Organization of the Sandiganbayan).

Sinabi ni Fajardo na kapag nailipat si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory, kukunin ng BJMP si Guo tuwing may pagdinig sa Senado o House of Representatives.

Gayunpaman, sinabi niya na handa ang PNP na magbigay ng karagdagang tauhan sa pagbibiyahe sa natanggal na alkalde, kung kinakailangan.

EVELYN GARCIA