GUO MATITIKMAN NA ANG BUHAY PRESO

MATITIKMAN na ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo ang buhay preso kasama ng iba pang person deprive of liberty matapos na tuluyang  mailipat sa Pasig City Jail nitong Lunes mula sa PNP Custodial center sa Camp Crame, Quezon City sa utos ng Pasig Regional Trial Court.

Lumabas ang  convoy na naghahatid kay Guo sa detention facility sa Camp Crame dakong alas-8:49 ng umaga at dumating ng Pasig City Jail bandang bandang alas-9:14 ng umaga, base sa ulat.

Ililipat sana si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory  noong Biyernes subalit hindi natuloy dahil hindi agad nakumpleto ng Philippine National Police (PNP) ang ilang requirement  kabilang ang kanyang medical assessment.

Makakasama ni Guo sa detention facility ang 43 inmates sa loob ng  isang selda kasama ang isa sa tatlong babaeng kapwa akusado naman ni KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy na may kaso ding qualified Human Trafficking  kahit dinisenyo ang lugar para lamang sa siyam na detainees.

Ipinag-utos ng Pasig City Regional Trial Court-Branch 167 ang korteng naglilitis kay Guo sa kanyang non-bailable case na qualified human trafficking ang pa transfer nito habang dinidinig ang kaso.

Sinabi ni BJMP Spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera  noong nakaraang 2 linggo ay mayroon tatlong babae na dinala na kapwa akusado ni Quiboloy. Pinaghiwa-hiwalay ito dahil tatlo lang ang selda, at ang isa sa mga ito ay makakasama ni Guo pati na rin ang iba pang kasaluku­yang nakakulong, ani Bustinera.

Nilinaw ng tagapagsa­lita ng BJMP na wala anumang special preparation para sa selda ng pinatalsik na mayor dahil sumusunod lang sila sa korte at kung ano ang dating itsura ng selda, ‘yun na ang madadatnan ni Guo.

Subalit, nabatid na hindi kaagad maisasama si Guo sa mga regular inmates dahil may karamdaman umano ito na kailangan suriin pa ng mga BJMP doctors.

“Mayroon siyang ka­unting colds kanina (kahapon). Sa ospital, nag-uubo-ubo siya nang kaunti,” ani Col Jean Fajardo ng PNP Public Information Office.

“The doctors deemed it necessary to put that in writing, and it will be now the BJMP who will determine what kind of treatment — if there will be any treatment at all — treating the suspected infection,” ani Col Fajardo.

Nabatid na isasalang sa confirmatory tests si  Guo hinggil sa kanyang medical  condition  at oras na mapatunayang cleared na ito sa anumang  respiratory infection ay agad na ililipat siya sa regular na selda  kasama ng iba pang inmates ayon sa BJMP.

Ang female dormitory na may  capacity para sa 36 PDL ay kasalukuyang may 135 inmates na hinahati sa tatlong selda.

VERLIN RUIZ