NAGPADALA ng liham na nagpapaliwanag si suspended Bamban Mayor Alic Guo kay Senate President Chiz Escudero hinggil sa pagliban nito sa mga pagdinig ng Senado sa imbestigasyon ng mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
“Nais ko pong humingi ng paumanhin kung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kaugnay ng aking mga naging pahayag,” ani Guo sa kanyang liham.
“Wala po akong intensyon na pagsabihan o diktahan ang Senado kung ano ang mga dapat bigyang prayoridad.
Nauunawaan ko po na ang bawat mambabatas ay may sariling tungkulin at responsibilidad sa bayan,” dagdag pa niya.
Humingi ng “tulong” at “pang-unawa” ang sinuspinde na alkalde.
“Sa kasalukuyan, hindi ko po magampanan ang aking tungkulin at hindi ko matulungan ang aking mga kababayan.
Dahil dito, humihiling po ako ng inyong tulong at pang-unawa.”
Sinabi pa ni Guo na siya ang naging sentro ng mga negatibong post sa social media pagkatapos ng mga pagdinig sa Senado, at idinagdag na itinuring siya ng mga netizens bilang “convicted criminal” at hindi isang resource person sa kabila ng “presumption of innocence.”
“Sa aking karanasan, pagkatapos ng bawat pagdinig sa Senado, nagiging sentro ako ng negatibong posts sa social media, na para bang ako ay isa ng convicted criminal at hindi isang resource person sa tema ng mga pahayag at patudsada ng mga senador na dumidinig ng issue ko at ng POGO.”
Matatandaang hindi sumipot si Guo sa dalawang pinakahuling pagdinig ng Senado at hindi na siya natagpuan nang ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
LIZA SORIANO