CAVITE – PATAY ang 58-anyos na public school teacher matapos barilin sa harapan ng kanyang bahay sa Brgy. Salaban, bayan ng Amadeo nitong Miyerkules ng hapon.
Napuruhan sa ulo ang biktimang si Normita Bautista y San Juan habang inaresto naman ang sinasabing mga suspek na sina Ananda Siresena Karunasinghe, 59-anyos; Celina De Luna y Cabasi, 51-anyos, dating public school teacher; Antonio Romeroso y Roguel, 53-anyos; Benidic Cabasi y Baysan, 43-anyos; at Mark Romeroso , 21-anyos, pawang residente ng Purok 3, Brgy Lalaan 2nd, Silang, Cavite.
Sa ulat ni SSgt Arvin Balbuena na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, nakatayo sa harap ng kanyang bahay ang biktima nang lapitan at kausapin ng hindi pa kilalang gunman.
At bigla na lang umalingawngaw ang malakas na putok ng baril kung saan duguang bumulagta ang biktima.
Nagawa naman videohan ng kapitbahay ang pakikipag-usap ng biktima at gunman bago maganap ang pamamaril at pagtakas nito sakay ng motorsiklo.
Ayon pa kay Balbuena, nakipag-ugnayan ang pulisya sa kapitbahay na may hawak ng video kaya nagawang makakuha ng mga detalye kaugnay sa gunman at mga suspek na sinasabing nangungupahan sa Gen. Emilio Aguinaldo.
Agad na nagsagawa ng dragnet operation ang mga operatiba ng pulisya laban sa mga suspek kaya naaresto ang mga ito kamakalawa ng gabi sa isang bahay sa Brgy Lalaan 2nd, Silang Cavite.
Narekober sa mga suspek ang isang 1911 cal. 45 pistol, 3 magazine ng cal. 45 pistol na may lamang bala, shotgun na may 12 na bala, M16 riffle at isang kulay grey na hoodie jacket.
Pinaniniwalaang nagalit ang biktima sa mga suspek nang ibenta ang kanyang bahay na nirerentahan ng mga ito kaya pinagplanuhan siyang itumba na itinanggi naman ng mga akusado. MHAR BASCO