HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Filipino na tularan ang kagitingan ng mga bayani ng Filipinas na lumaban para sa kalayaan ng bansa.
Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day kahapon ay binigyang pugay ng Pangulo ang iba pang mga bayani na nagbuwis din ng buhay para sa bansa.
Gayundin ang mga sundalo at pulis na lumaban sa mga terorista para maibalik muli ang kalayaan ng Marawi City.
Binigyang parangal din ni Pangulong Duterte ang mga pulis na tapat sa kanilang tungkulin na labanan ang kriminalidad, mga guro, overseas Filipino workers (OFWs) na itinuturing na mga bagong bayani ng bansa at maging mga ordinaryong Filipino na nagsasakripisyo para sa ikabubuti ng kanilang pamilya at komunidad.
Binigyang pagkilala rin ni Pangulong Duterte si Lapu-Lapu na aniya’y kauna-unahang bayaning Filipino na nakapatay ng isang dayuhang mananakop.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na kanyang ikinalulungkot na tila nakalimutan na ng mga Filipino ang naiambag ni Lapu-Lapu sa bansa at ipinangalan na lamang ito sa isang isda.
Ang Pangulo ang nanguna sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani sa lungsod ng Taguig.
Eksakto alas-8:00 ngayong umaga nang dumating ang Pangulo sa Tomb of the Unknown Heroes sa Libingan ng mga Bayani kung saan binigyan siya ng arrival honors ng Armed Forces of the Philippines.
Sinamahan ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez ang Pangulo sa trooping the line o inspection of troops at saka naman ito sinamahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa pagtataas ng watawat ng Filipinas at pag-aalay ng bulaklak.
Kabilang sa mga dumalo sa flag raising ceremony sina Executive Secretary Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon at iba pang miyembro ng gabinete. DWIZ882
MGA LUMABAN SA MARAWI BINIGYANG PUGAY
BINIGYANG pugay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang mga sundalo at maging ang mga kagawad ng Philippine National Police na nagbuwis ng buhay sa pagbawi ng Marawi City sa kuko ng ISIS Influenced Maute at Abu Sayyaf terrorist group sa Lanao del Sur.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WesMinCom) spokesperson Lt. Col. Jerry Besana, ito ay kaugnay sa paggunita ng National Heroes’ Day sa buong bansa kahapon.
Nilinaw ni Besana na hindi ito selebrasyon kundi paggunita sa masaklap na pangyayari sa Marawi City at marapat lamang na bigyan ng AFP ng sapat na pagpupugay ang state forces na lumaban para sa katahimikan ng mga residente laban sa Maute-ISIS terrorist nitong nakalipas na taon lamang.
Bukod sa mga tinaguriang Marawi heroes ay binibigyan din nila ng pagkilala ang iba nilang kasamahan na nagbuwis ng buhay na mas unang nakipaglaban sa mga kaaway ng gobyerno sa bansa.
Dagdag ng opisyal na maging ang mga sibilyan na mayroong ginampanan na papel sa kasalukuyang panahon ay binigyang papuri rin nila dahil ang pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan ay pangkalahatang usapin.
Ang WestMinCom ang may hurisdiksiyon sa ilang bahagi ng Mindanao at kabilang sa kanilang nasasakupan ang Marawi City na pinangyarihan ng limang buwang engkuwentro na ikinasawi ng halos 170 state forces at 87 sibilyan noong nakaraang taon. VERLIN RUIZ
Comments are closed.