GURO SA TIKTOK NAG-SORRY

HUMINGI ng paumanhin  ang guro na iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd) dahil sa TikTok video kung saan tila nagpapahiwatig ito ng hindi tamang pakikitungo sa estudyante.

“Sinabi niya, iyon ay katuwaan lang. Again, hindi naman natin puwedeng sabihin na lahat ng mga bagay, basta katuwaan lang ay palalampasin po natin,” ayon kay  Benjo Basas, chairperson ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC).

Ikinalungkot din ni Basas na hindi naprotektahan ang pagkakaki­lanlan ng naturang guro habang iniimbestigahan pa ang isyu dahil sa posibleng child abuse action.

Sinabi pa ni Basas, ito ay   masakit sa kanilang hanay  kasi umano ang DepEd ay  duty-bound na protektahan ang  teachers, iyong kanyang karapatan, iyong kanyang right to due process,” ani Basas.

“Pero ngayon, ang nangyari po dito, nai-drag na ito sa buong mundo,” sabi pa ni Basas.

Kamakailan ay  ini­lunsad ng DepEd ang imbestigasyon sa naturang viral video.

Sa video, mapapanood na sumasayaw ang lalaking guro habang may caption na nagsasabing, “‘Pag dumaan ‘yong cute na student mo, tamang pa-cute lang.”

Ayon sa DepEd, tila nagpapahawitag umano ng “potential child abuse action” ang guro, na maaaring patawan ng kaukulang parusa sakaling mapatunayang may sala.

Nagpaalala rin ang ahensiya sa mga teaching at non-teaching personnel na laging isaalang-alang ang ethical at professional standards sa bawat kilos, kahit pa sa social media.

Para naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), hindi dapat maliitin ang ano mang uri ng child abuse.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, mas nakakabahala pa ang video dahil kumalat ito sa social media.

“Ang mga tao, magkakaiba tayo ng perspektibo, maaaring sa inyo katuwaan lang, maaaring sa iba hindi, ‘di ba?” ani Relova.

“So unang-una siguro, iyong mga bagay na iyon, kung katuwaan, dapat hindi siya napo-proliferate sa internet. Saka let us always think kung ano ang nararamdaman ng tao, na sa tingin natin pinagkakatuwaan natin,” dagdag niya.

Handa umanong tumulong ang DSWD sa DepEd kaugnay sa imbestigasyon.