GURO, UTOL TIMBOG SA ENTRAPMENT

BULACAN- ARESTADO sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng Baliwag ang isang guro at Kapatid nito na sangkot umano sa ilegal na transaksyon.

Sa report ni Lt.Col.Julius Alvaro kay PNP Provincial Director Col.Relly Arnedo, kinilala ang suspek na si Melanie Pastrana y Verdillo, 49-anyos, alyas Lanie, isang guro, may-asawa at residente ng Brgy. Malipampang, San Ildefonso at kapatid nito na si Christopher Verdillo y Gonzales, 46-anyos, driver ng Purok 2, Brgy. Malamig, Bustos, Bulacan.

Kinilala naman ang biktima na si Jose Terry Dela Cruz y Blas, 51-anyos, may-asawa, Technician ng 1033 Gaspar Lajom St. Sto. Cristo Baliwag, Bulacan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. John Phillip Tangcangco Fenequito, ganap na ala-5:15 ng hapon nang isagawa ang entrapment sa isang fastfood chain sa Brgy. Bagong Nayon sa nabangit na bayan.

Ayon sa biktima, muling humingi ng dagdag na P500K si Pastrana na gagamitin umano para mapadali ang transfer ng titulo ng lupa.

Nabatid na una nang nagbigay ang biktima ng P503,000.00 sa suspek noong nakaraang taon na ang ibibigay na resibo ay peke makaraang beripikahin sa bangko at BIR na walang record o walang transaksyong naganap.

Dito na nagduda ang biktima kaya agad itong inireklamo sa pulisya.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang cellphones at boodle money.

Samantala kasong Swindling/Estafa, Robbery Extortion and Falsification of Public Documents ang isinampa laban sa magkapatid. THONY ARCENAL