CEBU- ARESTADO ang isang 50-anyos na lalaki matapos magpanggap na doktor at mag-apply bilang isang health officer sa bayan ng Dalaguete, Southern Cebu.
Ang suspek na inaresto ay si Antonio Jabonillo Alpechi na napag-alamang isang lisensyadong guro at hindi doktor.
Batay sa imbestigasyon, nag-apply online si Alpechi, taga-Isabela, Basilan bilang rural health physician ng Dalaguete noong Oktubre ng nakaraang taon at isinumite nito ang mga kinakailangang dokumento sa Human Resource Officer (HRO) ng bayan.
Nakalusot ang suspek sa interview at natanggap. Nagsimula umano sa trabaho ang suspek nitong Lunes, Abril 22.
Sa isinagawang pagsusuri ng Human Resources Personnel (HRP) sa mga dokumentong isinumite ng suspek ay natuklasan nilang peke ang mga ito.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang HRP sa Dalaguete police na umaresto sa suspek habang naka-duty sa Rural Health Unit ng bayan.
Hindi nakapagpakita ang suspek ng identification card mula sa Professional Regulation Commission (PRC) upang patunayang isa nga siyang doktor.
Ayon sa mga awtoridad, mahaharap ang suspek sa kasong usurpation of authority.
EVELYN GARCIA