GURONG NANAMPAL, NAKAPATAY NG PUPIL KINASUHAN

RIZAL- INIHAHANDA na ng pulisya ang kaso laban sa teacher ng Peñafrancia Elementary School na nanampal at nakapatay ng Grade 5 student sa lungsod ng Antipolo .

Kasong Homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang isinampa ng Antipolo City Police Station laban sa gurong nanampal na nagresulta sa pagkamatay ng estudyante.

Ayon kay Executive Msgt.Divina Rafael , Chief ng Women’s clothing and Childrens Section Desk ng Antipolo City Police Station, direct filing ang pagsasampa nila ng kaso laban kay teacher Marisol Sison.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang pananampal sa 14-anyos na si Francis Jay Gumikib noong Setyembre 20 sa loob ng eskuwelahan.
Ayon kay Rafael, nagawa raw ng guro na sampalin si Francis Jay dahil maiingay at magugulo ang mga estudyante.

Paliwanag ni Rafael, hinawakan ni teacher Marisol sa buhok at saka sinampal sa may bahagi ng tenga ang binatilyo.

Lumalabas sa imbestigasyon na inabot pa ng ilang araw makalipas ang pananampal bago nadala sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktima dahil sa pananakit ng tenga, ulo at mata.

Pero sa kasawiang palad pasado alas- 10 ng umaga kahapon nang bawian ng buhay ang biktima dahil sa blood clot o pamumuo ng dugo sa kanyang ulo.

Hindi malaman ng ina ng biktima kung saan kukuha ng pambayad sa hospital dahil umaabot sa mahigit P100,000 ang kanyang hospital bills.
ELMA MORALES