GUSALI NG DPWH NATABUNAN SA LANDSLIDE BAGSIK NG BAGYONG ROSITA

ROSITA

MT. PROVINCE – PINANGANGAMBAHANG aabot sa mahi­git 30 ang bilang ng mga nasawi at nawawala bunsod ng naganap na pag­hagupit ng bagyong Rosita sa Hilagang Luzon bago ang Todos Los Santos.

Sa ulat, nasa 13 ang naitalang patay sa Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa pananalasa ng bagyo base sa datos ng Police Regional Office – CAR; walo rito ay mula sa Mt. Province, apat sa Ifugao at isa sa Kalinga.

Sa Ifugao, ang apat na nasawi ay mag-aama  matapos matabunan ng landslide ang kanilang bahay sa Sitio Higib, Batad, Banaue, Ifugao, bandang 1:30 kamaka­lawa ng hapon kung saan kinilala ang mga ito na sina Baltazar Pinnay, 48, at tatlong anak niyang babae na sina Rexibelle, 12; Rhezel, 10; at Rydbell, 8, makaraang makuha ang kanilang bangkay bandang alas- 7:30 kamakalawa ng gabi.

Nasa walo namang bangkay ang nahukay sa Mt. Province na pawang  natabunan ng landslide sa DPWH 2nd Engineering District of Mountain Province  Sitio Hakrang, Banawe, Natonin, Moun­tain Province, bandang alas-4:00 kamakalawa ng hapon.

Bukod sa mga nahukay, sinasabing may 20 iba pa ang na-trap sa guho at kasalukuyang pinaghahanap pa.

Hirap na marating ng mga local rescuer ang area dahil hindi pa madaanan ang mga kalsada dahil sa malakas na agos ng tubig mula sa Furon Creek subalit pini­pilit marating ng mga pulis at mga tauhan ng Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Dalawa sa nasawi sa Natonin ay nakilalang sina Jeffrey Nagawa Salangey at Benito Falangkad Longad habang ang iba ay hindi pa nakikilala.

Sa Kalinga, nasawi ang 5-taong gulang na bata na si Enrich Jane Guiwagiw Salo, matapos matabunan ng putik sa Barangay Mabilong bayan ng Lubuagan, Kalinga.

Sa Abra naman, iniulat na nawawala ang 58-anyos na si Vedancio Villaruz makaraang malunod.

Ang mga ito ay kabilang sa 29 katao na ­unang napaulat na natabunan sa nasabing gusali.

Habang ligtas namang nahukay ang mga nakilalang sina Joventino Lamawen, Innocencio Gollingay, Fritz Gerald Lumpanga, Jupiter Gaawan, isang Junjun at isang Machanum, ayon kay Mt. Province Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Edward Chumawar Jr.

Dahil dito, bandang 12:00 ng tanghali ay ­umabot na sa 13 ang nasawi sa Cordillera Administrative Region dahil sa bagyong Rosita.

Sinasabing sanhi rin ng bagyo ang pagkasawi ni Winie Joy Kilongan Tayni, 34, bed ridden/special child, dahil sa sunog mula sa napabayaang kandila.

Tinataya namang mahigit sa dalawang mil­yon katao ang naapektuhan sa pananalsa ng bagyo.    VERLIN RUIZ

Comments are closed.