TUNAY na hindi hadlang ang edad para makapagtapos ng pag-aaral at makamit ang pinapangarap sa buhay.
Tulad na lamang ng isang 72-anyos na lola dito sa Rosario, Cavite na desididong makapagtapos ng pag-aaral at ipagpatuloy ang naantalang pangarap.
Grade 11 na sa Westpoint Salinas College si Lola Denia Sonia B. Mayonado na may limang anak at 17 na apo.
Kasalukuyang kumuha siya ng Food and Beverages Services NC-II.
Dahil sa dedikasyon sa pag-aaral ay naging inspirasyon si Lola Sonia ng mga estudyante at maging ng mga guro.
At kahit imposible para sa iba, hangad daw ni Lola Sonia na matutunan ang iba’t ibang lengguwahe ng iba’t ibang nasyon balang araw.
“Gusto ko kasing matutunan ang mga salita ng mga dayuhan. Upang magkaintindihan kami,” nakangiting kwento ni Lola Sonia.
Kamakailan lamang ay nagtapos ng high school si Lola Sonia sa pamamagitan ng Alternative Learning System na naglalayong maibalik sa eskuwelahan ang mga estudyanteng matagal nang tumigil sa pag-aaral.
Taong 1995 nang bigla na lamang naglaho ang kanyang mister na si Virgilio Mayonado na tubong Baes, Negros Orriental at hanggang ngayon ay wala na siyang balita tungkol dito.
Dumating sa Cavite si Lola Sonia noong 1964 na buhat sa Tabaco, Albay kung San 13-anyos pa lamang siyang noon.
At dito na nga nagsimula ang kuwento ng kanyang buhay.
Pangarap din ni Lola Sonia na makapagpatayo ng isang restaurant dahil ang apo nyang si KC Sablan ay nagtapos ng Culinary Arts sa STI at pagsasamahin daw nila ang kanilang natutunan sa eskuwelahan.
Inamin ni Lola Sonia, may nanliligaw umano sa kanya sa facebook pero patay-malisya na lamang siya dahil ang pag-aaral muna ang kanyang prayoridad upang makapagtapos at makamit ang diplomang matagal ng pinapangarap. SID SAMANIEGO