GUSTONG MAG-TRAVEL KAHIT MAULAN?

TRAVEL-10

(ni CT SARIGUMBA)

WALA nga namang kahit na ano ang makahahadlang sa kanaisang magbiyahe ng kahit na sino sa atin—maulan man o maaraw. Kahit na nagsusungit ang panahon, hindi pa rin mapigil ng ilan ang kagustuhang magliwaliw at masilayan ang iba’t ibang lugar sa bansa.

Mainam din ang pagta-travel o pagtungo sa isang lugar kapag mau­lan dahil hindi gaanong matao ang pupuntahan. Marami ang nagtatago sa lungga kapag maulan at ayaw lumabas ng bahay. Kaya’t mas kakaunti ang tao o tourist sa ganitong pagkakataon.

Mas cheaper o mura rin ang pamasahe gayundin ang hotel accommodation dahil nga hindi siya peak season.

At dahil ayaw magpaawat ng ilan sa atin sa pagta-travel kahit na maulan, bukod sa siguraduhin ang kaligtasan, narito ang ilan sa simpleng tips na kailangang dalhin:

DAMIT NA MADALING MATUYO

Unang-una sa kailangang dalhin ay ang mga damit na madaling matuyo. Hindi maiiwasang mabasa, kaya’t nang maiwasang magkasakit at lamigin sa gitna ng pamamasyal, magdala ng synthetic clothes o mga damit na mada­ling matuyo. Maiiwasan din ang pagkakaroon ng amoy ng damit kung ma-hanginan lang ng kaunti ay matutuyo na ito.

GAMOT AT INSECT REPELLENTS

Dahil nga maulan ang paligid at hindi maiiwasang magbasa na maaaring humantong sa pagkakasakit, magdala ng mga gamot. Huwag ding kalilig-taan ang pagbibitbit ng insect repellents nang maprotektahan ang sarili sa lamok o insekto.

PAYONG, RAINCOATS AT HAIR DRYER

Magdala rin ng payong, raincoats at hair dryer. Okey, marami sa atin na kapag magta-travel o mamamasyal, kinaliligtaan na ang pagdadala ng payong at raincoats. Madalas na­ting idinadahilan na hindi naman ito kakailanganin. Minsan pa, sinasabi na­ting paano kung hindi naman maulan sa lugar na ating pupuntahan.

Oo, malaki nga naman ang posibilidad na maulan dito at hindi sa ating patutunguhan. Pero dahil hindi natitiyak ang lagay ng panahon, mahalaga ang pagiging handa. Magdala ng payong at raincoats.

Importante rin ang pagdadala ng hair dryer. Malamang para sa ilan, pamparami o pampabigat lang ito ng dalahin.

Hindi lamang kaartehan ang pagdadala ng hair dryer kundi mapakikinabangan ito ng malaki lalo na kung nagta-travel kayo. Maraming hair dryer sa panahon ngayon na travel friendly.

Dahil maulan, malamang ay mababasa ang buhok. Importanteng napatutuyo ito gamit ang hair dryer dahil ang basang buhok ay maa­aring maging dahilan ng pagkakaroon ng ubo at sipon.

Bukod nga naman sa naiwasan mo nang magkasakit, mapagaganda pa nito ang iyong buhok o nasa style habang nasa ibang lugar.

WATERPROOF BAG

Importante rin ang paggamit ng waterproof bag nang maprotektahan ang laman nito sa loob. Siguraduhin ding protektado ang gadgets at hindi mababasa ng ulan. Gadgets pa naman ang hindi puwedeng mawala kapag nagta-travel.

SAPATOS NA ANGKOP SA PANAHON

Kung sapatos lang din ang pag-uusapan, napakarami nating puwedeng pagpilian. Madalas din, kapag magtutungo tayo sa ibang lugar, la­ging pinipi-li nating dalhin ang mga bagay na magaganda.

Pero bukod dapat sa maganda, kailangang komportable at angkop ito sa panahon.

Siguraduhing akma sa panahon ang susuotin nang hindi madisgrasya. Madulas ang daan kapag maulan kaya’t ang mga fancy, expensive, leather shoes na mayroon kayo ay iwanan na muna sa bahay. Ang pinakamagandang dalhin ay ang floaters at sandals.

Para sa marami sa atin, hindi magiging masaya at buong-buo ang pamamasyal kung hindi nakatitikim ng mga street food sa lugar o bansang pupuntahan.

Gayunpaman, kung maulan ang paligid, isa sa kailangang iwasan ang pagkain ng street food. Sabihin mang tempting ang mga pagkaing nakikita sa street o mga kalye, pigilin ang sarili. Tandaan, ang mga street food ay lantad sa mara­ming bacteria o dumi.

Kaya’t kahit na sobrang katakamtakam pa ang nakikitang street food, pigilin muna ang sarili. Maghanap na lang ng ibang pagkaing maipampapalit sa street food na siguradong healthy.

Bago rin ituloy ang gagawing paglalakbay, alamin ang lagay ng panahon. Kung delikado, huwag nang tumuloy.  Importante pa rin ang kaligtasan kaysa sa kagustuhang magliwaliw. (photos mula sa blog. cityunscripted.com at girlswanderlust.com)

Comments are closed.