KUNG may isa mang masarap gawin at inaasam-asam ng marami, iyan ay ang makapaglibot sa iba’t ibang lugar at masilayan ang angking ganda nito. Ngunit hindi lahat ng tao ay mayroong pagkakataong makapag-travel. May ilan na kahit na sabihing gustong-gusto nilang makapagbakasyon, hindi pa rin magawa-gawa dahil na rin sa kawalan ng budget.
Mahirap nga namang mag-travel nang walang pera o budget. Kaya naman, narito ang ilang tips kung paano ito mapag-iipunan para ma-achieve ang inaasam-asam na goal:
MAG-SET NG DATE
Sadyang hindi basta-basta ang pagpaplanong magliwaliw o maglagalag. Lagi’t laging may kakambal itong oras at salapi. Kumbaga, kailangan mo munang makapag-ipon bago mo magawa ang iyong nais.
Okey, gusto mong mag-travel pero wala ka namang budget, isa muna sa kailangan mong isaalang-alang o alamin ay kung kailan mo gustong magbakasyon. Kailan ka ba free? Ano ba sa tingin mo ang mga lugar na gusto mong puntahan? Magkano sa tingin mo ang budget na kakailanganin mo? At higit sa lahat, saan ka titira at magkano ang kakailanganin mong pamasahe, sasakyan man o eroplano.
Mas maganda rin kasi kung pinagpaplanuhan at pinag-iisipang mabuti ang araw o panahon ng iyong pagbabakasyon. Para rin hindi gaanong mapamahal, mainam kung ang pipiliing panahon sa pagta-travel ay low seasons.
Ayon sa huffingtonpost.com, makatitipid umano ng 20 hanggang 40 porsiyento sa hotel cost ang pagbo-book ng room sa pagitan ng mga buwan ng Hunyo at Setyembre sa Filipinas.
Kaya’t kung wala kang gaanong budget at nag-iipon ka pa lamang, maaari mong subukan ang pagbo-book sa mga panahong wala gaanong nagbabakasyon. Mas nagmamahal kasi ang pamasahe at room/hotel accommodation kapag holiday season. Kaya’t mainam kung hindi na makikisabay sa dagsa ng tao.
Mainam din ang pagtungo sa isang lugar na mayroon kang kakilala o kamag-anak na puwedeng matuluyan. Sa ganitong paraan ay hindi ka na gagastos o magbabayad pa ng matitirahan.
Mabuti rin ang pagre-research ng mga lugar na maganda ngunit pasok sa budget. Maaari rin namang magtanong sa mga kaibigan at kakilala kung anong lugar ang swak puntahan.
SIMULAN NA ANG PAG-IIPON AT HUWAG ITONG GAGALAWIN
Sa totoo lang, marami ang gustong mag-ipon hindi lamang para may magamit kapag gustong mamasyal kundi para na rin may maitabing pera sa mga oras ng pangangailangan. Ngunit kung minsan ay nahihirapan ang maraming mag-ipon. Nagagalaw kasi. Nagagastos sa ibang bagay.
Gayunpaman, kung talagang gusto mong mag-ipon ay magagawa mo. Kumbaga, wala iyan sa kung magkano ang kaya mong ipunin kundi nasa kagustuhan mong mag-ipon.
Sabihin na nating maliit lang ang kinikita mo. Pero kahit na maliit, kung gugustuhin mong maglaan ng kaunti para sa nais mong pagliliwaliw, magagawa mo.
Kaya’t malayo pa man ang iyong gagawing pagta-travel, mas mainam kung ngayon pa lang ay pag-iipunan na ito.
Para sa ilan, luho lamang ang pamamasyal. Pagsasayang ng pera. Pero sa totoo lang, napakaraming kagandahang naidudulot ng pagta-travel. Hindi lamang ito may magandang dulot sa kalusugan kundi maging sa ating kabuuan. Nakare-relax ang pagta-travel. Nagiging daan din ito upang magkaroon ka ng maraming kakilala na magagamit mo o makatutulong sa iyong trabaho o negosyo. Higit sa lahat, lumalakas ang loob mo at nagkakaroon ka ng tiwala sa iyong sarili.
At dahil diyan, para makamit ang goal na pamamasyal, huwag gagalawin ang inipon o iipunin. Kung hindi naman emergency ang paggagamitan, huwag na huwag itong gagastusin o pakikialaman.
Oo, may ilan pa naman sa atin na dahil matagal pa ang panahon ng pagta-travel, ginagastos muna ang naipon. Iniisip nating malayo pa naman at maibabalik pa. Pero mahirap makasanayan ang ganitong gawi. Kasi nga, habang nagagalaw mo ang iyong inipon, mas lalo lang itong liliit at baka sa panahong magbabakasyon ka na, kapusin ka o kulangin ang pera mo. O ang masaklap, wala kang maipon.
Kaya tandaan, kung gusto mong ma-achieve ang iyong dream na bakasyon, ngayon pa lang ay mag-ipon na at hangga’t maaari, huwag itong gagalawin o gagastusin.
MAGHANAP NG SIDELINE O PART TIME JOB
Puwede rin naman ang paghahanap ng part time job para magkaroon ng dagdag na kita. Sa ngayon, marami tayong puwedeng gawing part time job. Kahit na nasa bahay lang ay puwede tayong magkaroon ng kita basta’t mayroon ka lang computer/laptop at internet.
Ilan sa mga puwede mong subukan ay ang pagsusulat ng artikulo sa online. Puwede rin naman ang pagtuturo. Swak din naman ang online business. Marami na sa panahon ngayon ang nagnenegosyo sa online kaya’t puwede mo rin itong subukan.
Sa totoo lang, kung gusto nating mag-ipon para may magamit tayo sa pagta-travel ay magagawa natin. Ika nga, kung gusto may paraan at kung ayaw, maraming dahilan. CT SARIGUMBA
Comments are closed.