GUWARDIYA NG PALENGKE NAGSAULI NG PITAKA

CAVITE – ISANG guwardya sa Rosario Public Market ang nagsauli ng pitaka na may lamang pera.

Kinilala ito na si Leberato Mariano, may pamilya at apat na taon ng guwardya sa palengke.

Habang ang nagmamay-ari naman ng pitaka ay si Rogelio Caparas.

Ang pitaka ay may lamang ilang dokumento, driver’s license, national id, at halagang P4,000.

Mamamalengke sana si Rogelio ng oras na iyon. Laking gulat niya ng magbabayad na siya at ng kukunin na ang walet sa bulsa ay wala na itong makapa.

Nagpabalik-balik pa si Rogelio sa lahat ng kanyang dinaanang lugar at nagbabaka-sakaling makita ang kanyang nawawalang wallet.

Hanggang mag-anunsyo ang Public Market Management na may napulot na pitaka ang kanilang guwardiya.

“Napakabutimg tao ng guwardya na ito. May busilak na puso at kalooban. Akala ko tuluyan ko ng hindi makikita ang wallet ko. Maraming sa”yo kaibigang guwardya”, kwento ni Rogelio.

Pinuri naman ni Ning Garcia, OIC Public Market, ang ginawang kabutihan ni Mariano.

“Lumaki akong sagana sa yamang pangaral ng magulang. Alam ko ang mabuti at masama. Alam ko ang akin at hindi ko pagmamay-ari. Dama ko ang pangamba at pag-aalala ng nawalan ng wallet. Kaya marapat ko lamang na isauli ito sa tunay na may-ari. Prinsipyo, dangal, at katapatan sa trabaho ko ang tanging gabay ko sa araw-araw na pag-duty ko sa palengke”, malumanay na kwento ni Mariano.

“Kung masaya siya dahil naibalik muli ang kanyang wallet, higit pa at doble pa ang saya ko dahil mas masaya ang gumawa ng tama sa kapwa”, dagdag pa ni Mariano.
SID SAMANIEGO