GYMNASTICS ASSOCIATION OF THE PHILIPPINES NSA OF THE YEAR

ANG nagdaang taon ay lubhang espesyal para sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP).

Ang 62-year-old federation ay responsable sa pagkakaloob sa bansa ng tunay na hindi malilimutang 2024 sa likod ng kauna-unahang double gold ni Carlos Yulo sa Paris Olympics.

Ang 24-year-old gymnast mula sa Leveriza, Manila ay naghari sa kanyang dalawang pet events – ang men’s vault at floor exercise – para sa makasaysayang unang pares ng gold medals ng Pilipinas sa isang Olympic participation.

Gayunman, ang Philippine gymnastics sa Paris ay hindi nagtapos sa golden feat ni Yulo.

Gumawa ito ng kasaysayan nang katawanin din ng stunning trio nina Aleah Finnegan, Emma Malabuyo, at Levi Jung-Ruivivar ang bansa sa 33rd edition ng Summer Games. Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 60 taon na lumahok ang Filipina gymnasts sa quadrennial showcase magmula nang katawanin nina Evelyn Magluyan at Maria Luisa Floro ang bansa sa 1964 Tokyo Olympics.

Para sa remarkable 2024 na nagbunga ang paghubog sa mga talento nito, ang GAP ang pararangalan bilang National Sports Association of the Year sa darating na San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa grand ballroom ng Manila Hotel.

Kasama ang GAP, si Yulo ay papagitna sa January 27 proceedings na co-presented ng ArenaPlus, MediaQuest, at Cignal bilang Athlete of the Year.

Ito ang unang pagkakataon na ang gymnastics association sa ilalim ng pangangasiwa ng presidente nito na si Cynthia Carrion ay kikilalanin bilang NSA of the Year ng pinakamatagal na media organization sa Pilipinas na unang itinatag noong 1949 at kasalukuyang pinamumunuan ni The Philippine Star sports editor Nelson Beltran.

Kabilang sa mga dating tumanggap ng award ay ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas, Samahang Basketbol ng Pilipinas, Association of Boxing Alliances in the Philippines, Jiu Jitsu Federation of the Philippines, Philippine Athletics Track and Field Association, Philippine Taekwondo Association, among others.

Ang traditional Awards Night ay itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, PLDT/Smart, Senator Bong Go, MILO, at Januarius Holdings bilang major sponsors, at suportado ng PBA, PVL, Akari, Rain or Shine, AcroCity, at 1-Pacman Party List.

Bukod sa Athlete of the Year at NSA of the Year, igagawad din ang Major Awards sa ibang sports, President’s Award, Executive of the Year, Citations, Tony Siddayao Awards, gayundin ang Hall of Fame at Special Recognition sa Filipino Olympians – kasama ang Paris Olympics at Paralympics – sa event na magbibigay-pugay sa pinakamahuhusay sa Philippines sports para sa taong 2024.