HABAL-HABAL, PINAPUPUNTIRYA SA DOTr, LTFRB

Habal Habal

NANAWAGAN ang pamunuan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa mga bumubuo ng Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) na hayaan na lamang ang motorcycle taxi, ang Angkas na magpatuloy ang kanilang operation sa bansa.

Ito ang naging tugon ni Atty. Ariel Inton, founder ng commuter group na LCSP sa isang phone interview ng PILIPINO Mirror kasunod ng dinadaanang krisis ng kompanyang Angkas kung saan sinisilip ng TWG ang ilang umano’y paglabag sa guidelines ng naturang motorcycle taxi firm na ipinatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Inton, marapat na hayaan na ng DOTr at LTFRB na magpatuloy ang operasyon ng Angkas at sa halip ay pagtuunan na lamang ng pansin ang mga kolorum na habal-habal na nagkalat sa iba’t ibang lansangan ng Metro Manila.

Idinagdag pa nito na makabubuting hayaan na lamang ang Kongreso na gumawa ng mga kaukulang batas ukol sa pagsasa legal ng mga motorcycle taxi upang hindi maperwisyo ang libo-libong riding public na umaasa ngayon sa Angkas.

“Dapat puntiryahin ng TWG ang mga ilegal na habal-habal na ‘yan sa halip na silipin nila ang mga legal na app-based motorcycle taxi. Iisa lang ang pakay namin dito, ang kapakanan ng mga kababayan nating commuters para maging maginhawa ang kanilang paglalakbay,” pahayag ni Inton.

Samantala, kumbinsido naman si Inton na win-win solution ang dapat sa isyu ng kontro­bersiyal na motorcycle taxi.

Aniya, dapat walang disagreement ang aming grupo sa panawagang ito ng Public Communters and Motorists Alliance (PCMA) upang mabilis na maipatupad ang batas na nais ipatupad sa motorcycle taxi.

Nilinaw rin ni Inton na walang kinalaman ang LCSP sa Angkas at hindi niya ito kinakatawan, tanging ang safety at protection lamang ang prayoridad ng grupo. BENEDICT ABAYGAR, JR.