HABAMBUHAY KULONG SA 2 SUNDALO

HABAMBUHAY na pagkakakulong ang hatol laban sa dalawang kasapi ng Philippine Army (PA) dahil sa kasong murder sa Negros Occidental noong 2010.

Pinatawan ng reclusion perpetua ng Bacolod Regional Trial Court (RTC) sina Rafael Cordova, alyas Rogen Bajon at Reygine Laus, alyas Ronnie Caurino.

Ang mga ito ay napatunayang nagkasala sa pagpatay sa aktibistang si Benjamin Bayles noong Hunyo 14, 2010 sa Barangay Su-ay sa Himamaylan City, Negros Occidental.

Base sa 33-pahinang desisyon, hinatulang guilty ni Judge Ana Celeste Bernad ang dalawang sundalo dahil sa mga ebidensyang iprinisinta na bumuo sa moral certainty “that would convince the conscience of those who are to act in judgment.”

Natuklasan din na gumamit ng hindi lisensyadong baril ang mga sundalo para patayin si Bayles.

“The prosecution was able to prove the existence of firearm and that the two accused are not licensed to possess the same and that he was positively identified by the witnesses as the one who fired shots against the victim,” saad sa kautusan ng korte. BETH C