ALBAY – ISA na namang kabayanihan ang ipinakita ng mga tauhan ng Rapu-Rapu Municipal Police Station (MPS) sa pagtulong sa isang inang nanganak habang nasa biyahe patungong District Hospital nitong Nobyembre 9.
Dahil sa maagap na pag-aksyon ni Cpl Deanna A. Quierra, isang pulis at lisensyadong nars ay nailigtas ang buhay ng sanggol.
Ang ina na nasa kabuwananan na ng pagbubuntis ay sakay ng isang motorbanca mula Brgy. Binosawan sa bayan ng Rapu-Rapu sa Albay nang biglang manganak sa kalagitnaan ng biyahe.
Pagdating sa pantalan ay agad na sinuri ni Quierra ang kalagayan ng sanggol na hindi na humihinga at may senyales ng respiratory distress.
Mabilis na kumilos ang pulis kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at nagsagawa ng neonatal resuscitation.
Gumamit siya ng mga teknik tulad ng marahang pag-galaw, paglilinis ng daanan ng hangin at CPR hanggang sa magsimulang huminga nang mag-isa ang sanggol.
Matapos ma-stabilize ang kalagayan ng sanggol, maingat na pinutol ni Quierra ang umbilical cord at dinala ang ina at sanggol sa ospital para sa karagdagang medikal na pangangalaga.
Kinumpirma ng mga tauhan ng ospital na nasa maayos nang kalagayan ang mag-ina.
RUBEN FUENTES