(Habang iniimbestigahan ng binuong SITG) 4 PNP AIRBUS H125 GROUNDED MUNA

GROUNDED ngayon ang apat na PNP Airbus H125 helicopter matapos na bumagsak ang isa na kabilang sa fleet na ikinamatay ng isang crew at ikinasugat ng dalawang senior police officers kamaka­lawa ng umaga sa Real, Quezon na susundo dapat kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos at pamilya nito sa Balesin airport.

“Si chief PNP nasa Quezon noong weekend for some private time with his family and noong Monday he was supposed to go back. In fact, he was supposed to attend the flag ceremony at hindi naging available ‘yung commercial flight na dapat pi-pickup sa kanya na hapon pa dara­ting and
he has to return to Camp Crame immediately for administrative duties,” PNP spokeswoman Col. Jean Fajardo.

Kasunod nito, bumuo ng isang Special Investigation Task group upang magsagawa ng malawakang imbestigasyon sa pagbagsak air asset ng PNP na nasa administrative mission para sunduin ang grupo ng PNP chief.

Ayon kay Fajardo, mismong si Gen. Carlos ang nag-utos sa pag-ground ng lahat ng Airbus H125 helicopter fleet habang iniimbestigahan ng Special Investigation Task group ang insidente.

Aniya, normal na hakbang ito bilang bahagi ng precautionary measures kaya pansamantalang grounded muna ang entire fleet ng H125 Airbus Police helicopters na binili ng PNP mula sa European multinational company Airbus habang sinisiyasat ang sanhi ng pagbagsak ng nasabing chopper.

Gayundin, personal namang kinumusta kahapon ni Gen. Carlos ang dalawang sugatang piloto na sina Lt Col Dexter Vitug at Co-pilot Lt Col Michael Melloria na nasa maayos ng kalagayan at nagpapaga­ling St. Lukes Medical Center sa Quezon City matapos na ilipat mula sa Camp Crame Medical Hospital.

Matatandaan, noong Marso 2020, bumagsak ang isang Bell 429 GlobalRanger chopper aircraft kung saan lulan dito si retired PNP chief Archie Gamboa at ilang heneral sa Laguna.

Nasawi sa nasabing pagbagsak si PNP Comptrollership MGen. Jovic Ramos. VERLIN RUIZ