(Habang naghahatid ng edukasyon) LUCs TUGON SA JOB-SKILLS MISMATCH

HABANG patuloy ang pag-bangon ng ekonomiya ng bansa mula sa pinsalang dulot ng COVID-19 pande mic, tinukoy ni Senador Win Gatchalian ang mahalagang papel ng local universities and colleges (LUCs) sa paghahatid ng edukasyon habang tinutugunan ang suliranin sa jobs-skills mismatch.

Sa webinar na isinagawa ng Philippine Futures Thinking Society at ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela na pinamagatang “The Future of Local Colleges and Universities,” ipinaliwanag ni Gatchalian na malaki ang potensiyal ng LUCs na tugunan ang jobs-skills mismatch habang naghahatid ng edukasyon sa mga nangangailangan na kababayan.

Dahil ang LUCs ay nag-uulat sa local government units (LGUs) na nagtatag sa kanila, mas mabilis silang rumesponde sa mga lokal na sitwasyon at pangangailangan, lalo na sa pagsasanay ng mga skilled professional na kailangan ng mga LGU.

Para kay Gatchalian, mahalaga para sa LUCs na maging sentro ng human capital development at maging bahagi ng pagpaplano ng mga LGU. Dapat din, aniya, nilang patatagin ang ugnayan sa pribadong sektor, magpatupad ng curriculum na angkop sa Fourth Industrial Revolution, at isulong ang flexible learning methods.

Ayon pa kay Gatchalian, dapat suriin ang kalidad ng edukasyon na inihahatid ng LUCs. Aniya, ang mga nagtatapos sa LUCs ay dapat may sapat na kakayahan upang magkaroon ng maayos na trabaho.

“Mahalaga ang papel ng LUCs hindi lamang sa pagtulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan, kundi pati na rin sa pagresolba sa jobs-skills mismatch sa bansa, pagpapalago ng ating ekonomiya, at pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya,” ani Gatchalian.

Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), may 121 LUCs sa bansa, katumbas ng limang 5.05 porsiyento ng 2,396  higher education institutions (HEIs) noong School Year 2019-2020. May 248,73 mag-aaral sa LUCs noong SY 2019-2020, katumbas ng pitong porsiyento ng enrollment sa HEIs.

Ngunit pinuna ni Gatchalian na may ilang rehiyon na kakaunti lamang o walang LUCs. Sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley, halimbawa, ay walang nakatayong LUCs.

Upang matiyak naman na ang pagkakaroon ng dekalidad na edukasyon ang pangunahing konsiderasyon ng mga LGU sa pagtatayo ng isang HEI, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 370 o ang Local Universities and Colleges Governance Act. Sa ilalim ng naturang panukala, magkakaroon ng pamantayan sa pagtatatag at pagpapatakbo ng LUCs.

Itinulak din ni Gatchalian na maging bahagi ang LUCs sa Universal Access to Quality Tertiary Education (Republic Act 10931) Act o ang free tuition law. Sa ilalim ng batas, ang mga mag-aaral sa CHED-accredited LUCs ay hindi na magbabayad ng matrikula at iba pang fees. VICKY CERVALES

237 thoughts on “(Habang naghahatid ng edukasyon) LUCs TUGON SA JOB-SKILLS MISMATCH”

Comments are closed.