(Habang nagkakabit ng poster) 2 KANDIDATO, 1 PA TODAS KAY TSERMAN AT PULIS

COTABATO CITY- NAUDLOT ang pagnanais makapaglingkod sa kanilang ka-barangay ng dalawang kandidato bilang Kagawad na nabaril at napatay habang nagsasabit ng poster nitong gabi ng Lunes sa lalawigang ito.

Bukod sa dalawang kandidato para sa Barangay and Sangguniang Kabataang elections, isa pa ang nasawi at dalawa pa ang nasugatan.

Batay sa imbestigasyon nina Cpl Abdul Abner at Cpl Winnie Joy Café, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa Rosary Heights 12, Cotabato City.

Sa ulat na nakarating sa Cotabato City Police Office na pinamumunuan ni Capt. Jemu Ramolete, kinilala ang dalawang nasawi na tumatakbong Kagawad na sina Nur-Moqtadin Butucan para sa Brgy. Rosary Heights 12 at Alfar Singh Ayunan Pasawiran , 21- anyos ng Brgy. Kalanganan 2, Cotabato City.

Patay rin si Faisal Abas ng Brgy. Kalanganan 2 habang sugatan sina Saipul Sapalon at Fajeed Daud.
Batay sa imbestigasyon, nagtungo ang mga biktima sa lugar para magsabit ng kanilang posters para sa 2023 BSKE.

Sinabi naman ng mga nakasaksing residente sa lugar na narinig na lamang nila ang mga putok ng baril at nang silipin ay nakahandusay na ang mga biktima.

Naisugod pa sa Cotabato Regional and Medical Center ang mga biktima subalit dead on arrival ang tatlo sa mga ito.

Sanib puwersa ang iba’t ibang yunit ng PNP sa lugar kasama na ang nasabing police office, Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at maging ang 42SAC, CCPO Headquarters, CCPO-CIU, CCPO-CMFC, MBLT 5, 35th MC, 4SAB, 1404th CCPO-MPU, CCPO Police Station 2, CCPO Police Station 4 at RSOG sa pamumuno ni Col. Querubin L. Manalang Jr. at naaresto ang mga suspek.

Umabot sa 12 katao ang dinakip kabilang ang pulis na si MSgt Pauti Dianal Mamalapat, isa pang kandidato sa pagka-tserman na si Juhalidin Ladesla Abdul, 40- anyos ng Rosary Heights 12 ,Cotabato City at dalawang kabataang estudyante.

Narekober sa kanila ang Springfield Armory cal .45 pistol na may serial no.226183, dalawang handheld radios, isang Beretta 9mm pistol na may serial no. N567422Z at isang cal 5.56 Armalite rifle na may serial no.9010589.
EUNICE CELARIO