(Habang wala pang bakuna sa COVID-19) WALANG IMPORTS SA PBA

Willie Marcial

SA BUONG kasaysayan ng Philippine Basketball Association (PBA) ay hindi nawala ang mga import na nagbibigay ng dagdag na saya sa Filipino fans.

Subalit sa ngayon ay maaaring matagalan pa bago muling sumabak ang mga import sa PBA dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, kapag pinayagan na sila ng Inter-Agency Task Force for the Ma­nagement of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na bumalik sa aksiyon ay ipagpapatuloy na lamang nila sng na­hintong Philippine Cup ng PBA Season 45.

At kung magsisimula ulit ang liga sa susunod na taon o anumang oras matapos ang 2020, sinabi ng PBA chief na posibleng maging all-Filipino ito.

“Posibleng no imports,” wika ni Marcial na inaasahan ang posibleng season na walang foreign reinforcements maliban na lamang kung magkakaroon na ng bakuna laban sa COVID-19.

“Ang problema kasi may papayag bang imports na pumunta dito sa atin ngayon? At siyempre, may takot din tayong tanggapin sila sa atin ngayon. Makikipaglaro ba ang players natin sa kanila?” tanong ni Marcial.

“At kung may pumunta man, kailangan pa ng 14-day quarantine period. At pag nagpalit ka ng import, another 14-day quarantine period. So malamang na magsisimula tayo sa pagbalik sa all-Filipino,” dagdag ni Marcial.

Dahil dito ay hindi magkakaroon ng pagkakataon si Chris McCullough para sa isa pang Commissioner’s Cup title run sa San Miguel Beer habang kailangan pang maghintay ni multi-titled import Justin Brownlee para muling makapaglaro para sa crowd favorite Barangay Ginebra.

Comments are closed.