HABULAN SA DEADLINE

DEADLINE-2

TANAW mo na ang dulo ngunit kaunting takbo na lamang ay mararating mo na ito. Ngunit sa bawat mong paghakbang ay may mga balakid kang naaapakan na nagiging dahilan ng minsanan mong pagkakadapa.

Halos lahat ng kabataan ay pinahahalagahan ang kanilang pag-aaral dahil iniisip nilang ito ang magiging susi para magkaroon si-la ng magandang buhay. Ang mga magulang ay kumakayod ng husto para maibigay lamang ang magandang edukasyon sa kanilang mga anak.

Ang ilan sa mga magulang ay pipiliting maipasok sa maganda at kilalang paaralan ang kanilang mga anak dahil naniniwala sila na malaki ang makukuha ng kanilang mga anak kung makapagtatapos sila sa kilalang mga unibersidad.

May mga magulang at estudyante naman na kahit sa hindi kilalang paaralan sila maipasok ay ayos lang dahil ang pinakamahala-ga sa kanila ay makapag-aral at makapagtapos.

Ang pag-graduate ay hindi lamang ‘yan regalo o premyo mo sa iyong sarili. Ang pagtatapos ay paraan din upang maibalik sa iyong mga magulang ang paghihirap at sakripisyo na iginugol nila para mapagtapos ka lamang.

Ang diploma ay hindi lamang ang dapat mong kapitan para magkaroon ka ng magandang kinabukasan, kinakailangan mo ring samahan ng tiyaga at sangkatutak na sipag para maaabot mo ang mga pangarap mo sa buhay.

DAHILAN NANG HINDI PAGMARTSA

Maraming estud­yante na kapag naipasa nila ang proyektong hinihingi sa kanila, akala nila tapos na ang lahat. Hindi nila naiisip na kailangang sundin nila ang ibinigay na format o dapat kompleto ang laman nito para mapirmahan ang kanilang clearance.

Isa sa dapat tutukan ay ang mga Thesis. Ilang revisions ang kinakailangan dito at may mga professor na kailangang pirmahan ito bago mo pa ipa-book bind. Kapag nahuli ka ng asikaso, paniguradong sasakit talaga ang ulo mo.

Dapat ay masiguro na wala kayong proyektong hindi naipasa dahil pagdating ng pirmahan ng clearance kung kailan iilan na lang ang dapat ninyong asikasuhin ay saka pa kayo magkakaproblema.

Tandaan na hindi gagawa ng paraan ang mga professor para pumasa kayo kung kayo mismo ay hindi makikitaan ng pagpupur-sige na gusto niyo talagang matapos at maayos ang mga kulang ninyo.

Huwag ninyong isipin na kalaban ninyo ang inyong mga guro dahil sa dulo ay sila lamang ang magmamalasakit at makagagawa ng paraan para maka-graduate ka.

HABAAN ANG PASENSIYA

May pagkakataon na pakiramdam mo ay wala nang paraan para mahabol mo ang mga papel na kailangan mong ipasa o proyek-tong hindi mo nagawa. Importante sa ganitong sitwasyon ang mahabang pasensiya.

Lalo na sa paghihintay na magkaroon ng sapat na panahon ang iyong guro para kausapin ka at makapagbigay sila ng suhestiyon kung paano mareresolba ang problema mo.

Mahaba rin ang mga pila sa bayaran ng tuition fee at kung ano-ano pang mga bagay na kailangan para maka-graduate.

Maraming estud­yante na katulad mong naghahabol din ng deadline.

Kung mawawalan ka ng pasensiya, ikaw lang din ang talo dahil wala naman itong magandang maiidulot sa ‘yo.

Sa mga panahong patapos na ang pasukan, nawawala na ang mga professor, ang ilan diyan marami ring ina­asikaso.

Kung kailangan silang puntahan sa kung saang lupalop man sila ng lugar makapagpapirma ka lamang ay gawin mo.

Kung kailangang kapalan ang mukha at kulitin sila, gawin mo dahil hindi naman magtatagal ang paghahabol mo sa kanila.

Kapag nakapirma na sila at nakuha mo na ang kailangan mo ay makahihinga ka na ng maluwag.

Para saan pa ang pagtitiyaga mo ng ­ilang taon sa pag-aaral at paggising ng maaga kung sa bandang huli ay susuko ka rin lang.

MAGING POSITIBO

Kapag maraming bagay ang nangyayari na hindi maganda, hindi ka dapat na mawalan ng pag-asa. Isipin mo ang lahat ng mga positibong bagay na mangyayari kapag naka-graduate ka.

Isipin mo na matatapos na ang paghihirap ng mga magulang mo at matutulungan mo na sila sa ibang gastusin.

Sa oras na nakuha mo na ang diploma mo, maaari kang mag-apply ng trabaho sa kompanyang napili mo.

Ang pagiging matiyaga ay dapat mong matutunan dahil mahalaga ito kapag nagsimula ka ng magtrabaho.

Maraming bagay tayong kailangan pagdaanan, may mga makikilala tayo na hihila sa atin pababa at may iba naman tayong mga kaibigan na tutulungan kang umangat.

Lahat ng ito ay nakadepende kung paano ka kikilos o paano mo titimbangin ang lahat ng mga bagay na nangyayari sa ‘yo.

Tandaan na ang diploma ay hindi lamang ang dapat kapitan para sa magandang kinabukasan kundi ang iyong sarili ang mag-tatalaga kung saang landas ka mapupunta.

Kapag napagtagumpayan mong habulin ang lahat ng deadline mo sa eskuwelahan, paniguradong handa ka na ring makipagsaba-yan sa paghahanap-buhay.

(photo credits: kpc.alaska.edu, amaliah.com, saidaonline.com)

Comments are closed.