CAVITE – REHAS ang binagsakan ng 38-anyos na babaeng hacker na gumagawa ng pekeng Facebook account matapos ireklamo ng pangongotong sa ikinasang entrapment operation ng pulisya sa Barangay Tejeros, Rosario.
Dumulog sa himpilan ng pulisya si alyas Jaysel, 24-anyos, ng Brgy. Ligtong 4 sa nabanggit na bayan habang isinailalim naman sa tactical interrogation ang isang alyas Geraldine ng General Trias City, Cavite.
Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, nagkakilala ang biktima at suspek sa nabanggit na bayan hanggang sa magtiwala ang biktima at magpagawa ng pekeng Facebook account sa suspek.
Nakaabot naman sa kaalaman ng biktima na ang pekeng FB account na kanyang pinagawa ay ginagamit ng suspek para mag-post ng malalaswang salita, hindi magandang post at mga photo kaya nakiusap si Barasan sa suspek na i-delete na lang ang nasabing social media account.
Gayunman, humingi ng P4,800 ang suspek para sa deactivation ng pekeng Facebook Account ng biktima kaya napilitan itong dumulog sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang operation.
Dito na ikinasa ang entrapment operation ng pangkat ni SPO2 Allan Villanueva kung saan nasakote ang suspek sa loob ng kilalang mall. MHAR BASCO
Comments are closed.